Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 2, 2020 – LUNES Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano

EBANGHELYO: Mt 25:31-46

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono.  Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao.  Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya:  ‘Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig.  Sapagkat nagugutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. …Nang may sakit ako, binisita ninyo ako.  Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’ At itatanong sa kanya ng mabubuti; ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, …maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’  Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo:  anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’ Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya:  ‘Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko… Sapagkat nagutom ako… maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.’ Kaya itatanong din nila:  ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, may sakit o nakabilanggo at di namin pinaglingkuran?’ Sasagutin sila ng Hari:  ‘Talagang sinasabi ko sa inyo, anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.’ At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Bro. Enzo Muega ng Diocese ng San Pablo ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Nasa lupa man tayo ay parang langit na rin. Mga kapatid, ngayong Undas, muling itinuturo sa atin ni Hesus ang daan patungo sa langit. Ang kanyang mensahe sa atin: “Ako’y nasa inyo – kung nasaan ang mga nagugutom, nauuhaw, walang matuluyan, walang damit, maysakit, ang mga nangangailangan – naroon si Hesus.” Sinuman ang ating tulungan at alagaang tao, si Hesus iyon dahil ang tao ay nilikhang “kalarawan ng Diyos.” Ang pagtulong natin sa kapwa ay hindi nakadepende kung gaano kalaki ito, kundi kung paano natin nakita sa kanila si Kristo. Mga kapatid, ngayong Undas na nasa Pandemya pa rin tayo, maging paalala nawa sa atin ang mga krus sa ibabaw ng mga puntod na may nakasulat na SLN o “Suma-Langit Nawa.” Maging paalala nawa ito sa atin ni Hesus, na habang nasa lupa pa tayo, tulungan natin ang ating mga kapwang nangangailangan – nasa lupa man tayo ay parang langit na rin sa ating lahat. Amen.