Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 2, 2021 – MARTES Paggunita ng Lahat ng Pumanaw ng Kristiyano

EBANGHELYO: Mt 25:31-46

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono.  Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao.  Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya:  ‘Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig.  Sapagkat nagugutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako.  Nang may sakit ako, binisita ninyo ako.  Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’ At itatanong sa kanya ng mabubuti; ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’  Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo:  anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’ Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya:  ‘Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko papunta sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito. Sapagkat nagutom ako at di ninyo ako binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo ako pinainom, naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.’ 

Kaya itatanong din nila:  ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, may sakit o nakabilanggo at di namin pinaglingkuran?’ Sasagutin sila ng Hari:  ‘Talagang sinasabi ko sa inyo, anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.’ At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, malinaw ang mensahe ng Ebanghelyong ating narinig!  Anumang kabutihan o kasamaang ginawa natin sa ating kapwa, ay ginawa natin sa Panginoong Hesus.  Kaya kung naging matulungin tayo sa mga nangangailangan lalo na ngayong panahon ng pandemya, naging mahabagin at mapagkawanggawa – buhay na walang hanggan ang gantimpalang naghihintay sa atin sa kabilang buhay.  Samantalang kung naging malupit tayo sa ating pakikitungo sa kapwa, manhid sa pangangailangan ng iba, nagsamantala sa tungkulin at nandaya sa negosyo – sasagutin nating lahat ito sa harap ng Panginoon, na nakakikita ng lahat ng ating ginagawa.  Habang tinitirikan natin ng mga kandila at ipinagdarasal ang mga mahal natin sa buhay na pumanaw na, hilingin natin ang kanilang tulong panalangin/ na makapamuhay tayong kalugod-lugod sa Diyos.  Amen.