Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 2, 2023 – HUWEBES – PAGGUNITA SA LAHAT NA PUMANAW NA KRISTIYANO

BAGONG UMAGA

Mapagpalayang araw ng Huwebes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Ikalawa ngayon ng Nobyembre, ginugunita natin ang lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano – lalong-lalo na ang mga mahal natin sa buhay na sumakabilang buhay na.  (Mag-alay tayo ng taimtim na panalangin para sa kapahingahan ng kanilang kaluluwa, at hingin ang kapatawaran sa mga nagawa nilang kasalanan.  Ganundin, hingin natin na gantimpalaan nawa ng Diyos ng buhay na walang hanggan, lahat ng kabutihang nagawa nila dito sa mundo.)  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawampu’t lima, talata tatlumpu’t isa hanggang apatnapu’t anim.

EBANGHELYO: Mt 25:31-46

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel,  uupo siya sa maluwalhati niyang trono.  Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing,  gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao.  Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya:  ‘halikayo,  pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain,  nauuhaw ako at inyong pinainom.  …  nang may sakit ako,  binisita n’yo ako.  Nang ako’y nasa bilangguan,  dinalaw n’yo ako.’ “At itatanong sa kanya ng mabubuti;  ‘Panginoon,  kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom…  maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?  Sasagutin sila ng Hari:  ”Talagang sinasabi  ko sa inyo:  anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko,  sa akin ninyo ginawa.’ Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya:  ‘Mga isinumpa,  lumayas kayo sa harap ko…  Sapagkat nagutom ako…  maysakit at nasa bilangguan at di n’yo binisita.’ “Kaya itatanong din nila:  ‘Panginoon,  kailan ka namin nakitang nagugutom…  at di namin pinaglingkuran?  Sasagutin sila ng Hari:  ‘Talagang sinasabi ko sa inyo:  anuman ang di n’yo ginawa sa isa sa maliliit na ito,  hindi n’yo ginawa sa akin.’ “At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa,  ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Anthony Capirayan ng Society of St. Paul ang ating pagninilay ngayon.  Sa ebanghelyong ating narinig, sinasabi na sa Araw ng Paghuhukom, pagbubukud-bukurin ang mga tao, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. At papaanong makakatawid ang mga tupa patungo sa buhay na walang hanggan? Dahil nakita nila ang mukha ng Diyos sa mga taong nagugutom, nauuhaw, walang maisuot, nasa bilangguan, may karamdaman, at tinugunan ang kanilang pangangailangan. Ang mga tupa, sila ang mga taong may mga puso’t-mata na mulat sa   kalagayan na iba at hindi nabulag ng pagiging makasarili. Mga kapatid, habang tayo’y nananalangin sa pagtawid ng ating mga mahal na yumao patungo sa buhay na walang hanggan, hingin din natin ang kanilang tulong at paggabay sa mga pagtatawid natin sa mundong ito—mula sa kasakiman patungong pagiging bukas-palad, mula sa kapalaluan patungong kapakumbabaan, mula sa kadiliman ng kasalanan patungong liwanag ng kabanalan.