Ebanghelyo: Jn 6:37-40
Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin. Subalit sinabi ko sa inyo: Nakita na ninyo at hindi kayo naniniwala. Lalapit sa akin ang anumang ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin . Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi upang gawin ang kalooban ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na huwag kong pabayaang mawala ang anumang ibinigay niya sa akin; sa halip ay ibabangon ko ito sa huling araw. Ito ang kalooban ng aking Ama: ang bawat nakasaksi sa Anak at naniniwala sa kanya ay may buhay na walang hanggan, at ibabangon ko siya sa huling araw.”
Pagninilay:
Sino sa atin ang nakakita na sa Diyos? Di ba sa Lumang Tipan, ang sinumang makakita sa mukha ng Diyos ay mamamatay? Kaya nga natakot si Moises noon nang nakaharap niya ang Diyos. Tinakpan niya ang mukha niya dahil baka siya mamatay. At ngayon, Hesus turned that notion upside down. Narinig natin na: “Kung sino man ang makakita at manampalataya sa Anak ng Diyos, makatatanggap ng buhay na walang hanggan at ibabangon sa huling araw.” Hindi mamamatay kundi mabubuhay. Hindi lang mabubuhay kundi muling bubuhayin kapag namatay. Malinaw na wala sa bukabularyo ng Diyos ang kamatayan, kundi bunga ito ng kasalanan at pagkalayo ng tao sa Kanya. Nasusulat ito sa Katesismo para sa mga Katolikong Pilipino. Nakasulat din na ang kamatayan ang kahuli-hulihang kaaway ng buhay ng tao. Kaya’t nilupig ng ating Hesus Maestro ang kamatayang nasa antas ng kasalanan. Sa Kanyang muling pagkabuhay, ginapi Niya ang makamandag na kagat ng kamatayan. Sa ganitong handog, sino man sa atin ang mamatay na nasa grasya ng Diyos ay maluwag na tatanggapin sa Langit.
Malaking biyaya rin ang gagawin Niyang katapusang paglilinis ng kaluluwa, kung paano tayo namuhay dito sa lupa. Kung madalas tayong naging pasaway, mas matagal tayong magiging dalisay para maging karapat-dapat tayo sa walang hanggang buhay. Kaya’t sa kandila na itinutulos natin sa puntod ng mga mahal nating pumanaw, hilingin natin na lalong magningas sa kanilang kaluluwa ang Liwanag ng Ilaw ni Kristo. Hilingin din natin na magningas sa ating puso at diwa ang pananabik na makita ang mukha ng Diyos, na naghihintay sa atin sa Kanyang walang hanggang kaharian.