Lk 23:35-43
Habang nakapako si Jesus, naroon ang mga tao na nakatingin. Pinagtatawanan naman siya ng mga pinuno: “Nailigtas niya ang iba, iligtas din niya ngayon ang kanyang sarili kung siya ang Kristo, ang Hinirang.”
Pinagtawanan din siya ng mga sundalong lumapit para painumin siya ng alak na maya halong suka. Sinabi nila: “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ngayon ang iyong sarili.” May nakasulat nga sa wikang Griyego, Latin at Hebreo sa kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.”
Ininsulto rin siya ng isa sa mga kriminal na nakapako sa krus: “Hindi ba't ikaw ang Kristo? Iligtas mo ang iyong sarili pati kami.” Pero pinagsabihan siya ng isang kriminal: “Wala ka bang pitagan sa Diyos, ikaw na gayon ding pagdurusa ang dinaranas? At bagay ito sa atin sapagkat tinatanggap lamang natin ang nararapat sa ating mga ginawa. Ngunit wala naman siyang nagagawang masama.” At sinabi pa niya: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Sumagot naman si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa iyo: makakasama kita sa Paraiso sa araw ding ito.”
PAGNINILAY
Ang paggunita natin ngayon sa maringal na Kapistahan ni Kristong Hari – pormal na itinatag ni Papa Pio XI noong ika-labing isa ng Disyembre 1925 sa kanyang sulat ensiklika Quas Primas. Isinulat ito bilang tugon noon sa lumalaganap na erehiya ng anti-clericalism na nagsasabing hindi kailangan ng tao ang pananampalataya o relihiyon sa kanyang pang-araw-araw na buhay. Ang maling paniniwalang ito, nagdulot ng malagim na pangyayari sa kasaysayan ng Iglesya kung saan maraming mga pari at mga relihiyoso ang kinulong at pinatay. Maraming mga simbahan at gusaling panrelihiyon ang ipinasara at ipinagiba. Sa gitna ng mga ito, nangingibabaw ang tinig ng Santo Papa na nagbigay-diin sa pangangailangang kilalanin at tanggapin si Kristo bilang Hari ng mga puso dahil Siya ang Haring nag-uumapaw sa pag-ibig at awa. Nasasaad sa Quas Primas na si Kristo‘y Hari dahil Siya ang Tagapagligtas at Tagapagbigay ng Batas. Mga kapatid, hindi na tayo ang hari ng ating sariling kasakiman, kundi nasa paghahari na tayo ng ating Tagapagligtas na Siyang nagbigay sa atin ng Batas ng Pag-ibig. Tunay na dakilang kaloob ang paghahari ni Jesus sa ating buhay. Pero kailangan pa rin ang malaya at buong pusong pagtanggap natin sa kaloob na ito. Sa buhay mo ngayon kapatid, masasabi mo bang si Kristo ang tunay na naghahari sa iyong buhay? Panginoon, baguhin Mo po ang aking pagkatao… linisin ang aking puso’t diwa sa mga kasalanang naglalayo sa akin Sa’yo. Marapatin Mo pong Kayo na ang maghari sa buhay ko. Amen.