LUCAS 18:35-43
Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong niya kung bakit. At may nagsabi sa kanya: “Sina Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan.” Kaya sumigaw siya: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” Pinagsabihan siya at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman niyang nilakasan ang sigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.” Kaya tumigil si Jesus at ipinadala ang bulag sa kanya at nang malapit na ay itinanong: “Anong gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito: “Panginoon, makakita sana ako.” At sinabi ni Jesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Jesus. At nagpuri sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.
PAGNINILAY:
Ang Ebanghelyong narinig natin, kuwento ng pagtatagpo ng Panginoong Jesus at ang bulag na lalaki. Nang marinig ng bulag na dumaraan ang Panginoon, sumigaw siyang napakalakas, “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” Kaya tinanong siya ng Panginoon, “Anong gusto mong gawin ko sa’yo?” Agad siyang tumugon, “Gusto kong makakita.” Iginalang ng Panginoon ang pananampalataya ng lalaki, at pinagaling siya. Nang matanggap ang kagalingan, agad siyang sumunod sa Panginoon at puspos ng pasasalamat na pinupuri ang Diyos. Mga kapatid, ilan ba sa atin ang ginawaran ng kagalingan sa malubhang karamdaman, o kaya niligtas sa bingit ng kamatayan, ang namuhay sa papuri at pasasalamat at naglingkod sa Diyos? Kung niligtas man tayo ng Diyos sa bingit ng kamatayan, o pinagkalooban ng pangalawang pagkakataon para mabuhay – iyon ay dahil may misyon pa tayong dapat gampanan. Hindi na natin pag-aari ang buhay; ‘yun ay pangalawang buhay na dapat nating gamitin sa pagpapakabuti at pagbabayad-puri sa kasalanan. Masasabing ito’y palugit lamang na binigay ng Diyos – para bigyan pa tayo ng pagkakataong magbago, ayusin ang mga nasirang ugnayan, at umunlad sa pagpapakatao. Nais ng Diyos na iayon ang ating buhay sa Kanyang utos at maging Kanyang lingkod. Mga kapatid, ganun tayo kamahal ng Diyos! Kahit paulit-ulit tayong nagkakasala at lumalayo sa Kanya, hangad Niya ang kaligtasan ng ating kaluluwa. Kaya huwag sana nating sayangin ang bawat pagkakataong pinapahiram Niya, upang mapapurihan Siya sa ating buhay sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa at pagpapakatao.