EBANGHELYO: Lk 19:45-48
Pumasok si Jesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, at sinabi niya: “Nasusulat, ‘Magiging bahay-dalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!” Araw-araw na nangangaral si Jesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Vangie Canag ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Maingay! ingay mula sa mga hayop na isasakripisyo, kalansing ng pera ng mga tagapagpalit ng pera – ito marahil ang tanawing nadatnan ni Jesus pagpasok niya ng Templo ng Jerusalem! Naalala ko tuloy nung nasa Roma pa ako. Nakagawian kong pumunta ng St. Peter’s Basilica para magdasal. Napakaraming tao ang pumapasok sa simbahang iyon. Para magdasal? Hindi! Para mamasyal… at mamangha sa ganda ng arkitektura at mga paintings ng simbahang yaon. Ang kanilang tourist guide ay halos sumisigaw sa pagpapaliwanag tungkol sa basilica. Walang pakialam na sagradong lugar yun, at nagduduon si Jesus na naka-exposed sa Adoration chapel. Hindi man lamang sila nagbibigay pugay sa Banal na Sakramento, at kakaunti ang nagdarasal. Karamihan ng mga tao ay nasa labas, at labas-masok sa simbahan habang nag-uusap ng malakas. Mga kapatid, ang simbahan ay bahay dalanginan; isang banal na lugar kung saan kinakatagpo ng Diyos ang Kanyang mga anak. Paano kung ang mga simbahan ay nakasara tulad ngayong panahon ng pandemya? Paano kung ang simbahan ay nakabukas nga, pero hindi naman nagdarasal ang mga tao? Sinabi ni Jesus sa babaeng Samaritana: darating ang panahon na pupurihin mo ang Diyos sa Espiritu at katotohanan. Ang puso ng tao kung saan nananahan ang Banal na Espiritu ay Templo ng Diyos na di kailanman mabubuwag. Sa puso natin, maaring makatagpo ang Diyos na nangungusap sa atin. Kapag binasa natin ng taimtim ang Kanyang Salita sa Bibliya, at hayaan ang Espiritu Santo na mangusap sa ating puso… hindi tayo madi-distract ng ingay sa paligid natin. Sa halip, maririnig natin sa’ting puso ang mapayapa at matamis na tinig ng Diyos … kahit nakararanas tayo ng pandemya. Kapatid, hingin natin sa Diyos ang grasya na makapagdasal. Paalala pa ni St. Paul, palagi tayong magdasal.
PANALANGIN
Panginoong Jesus, turuan mo akong magdasal. Bigyan mo po ako ng lakas ng loob na magdasal, lalo na kapag pinanghihinaan ako ng loob, nawawalan ng pag-asa at kapag ako’y nagagalit. At kapag masaya naman ako, turuan mo akong umawit ng Aleluya, Amen