EBANGHELYO: Lc 20:27-40
Lumapit ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Jesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” Sinagot sila ni Jesus: “nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilang buhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.” Nagsalita ang ilang guro ng Batas: “Guro, talaga ngang tama ang iyong sinabi.” Mula noo’y wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang tanong ng mga Saduceo kay Hesus ay tungkol sa isang batas sa panahon ng kanilang mga ninuno na nag-uutos na pakasalan ng lalaki ang asawang babae ng kanyang kapatid na yumao na. Ang magiging anak ay ituturing na anak ng yumao at syang magtutuloy sa pangalan nito at magmamana ng mga pag-aari ng yumao. Ito ang ginawa nilang basehan para patunayan na hindi totoong may muling pagkabuhay. Nilinaw ni Hesus na ang pag-aasawa ay usaping panglupa lamang at hindi na ito alalahanin ng mga taong nabubuhay na sa piling ng Diyos sa langit. Hindi naniniwala ang mga Saduceo sa resurrection o sa muling pagkabuhay. Kaya naman, ang lahat ng atensyon nila ay nakatuon lamang sa mga bagay sa lupa. Mga kapatid, kung sa mga bagay lamang sa lupa nakatuon ang ating atensyon, para din tayong mga Saduceo. Itinuturo sa atin ni Hesus na may buhay na mas higit at mas permanente kaysa sa buhay sa lupa. Ang buhay na ito ay tinatamasa na ng mga taong nagkaroon ng malapit sa ugnayan sa Diyos katulad nina Abraham, Isaac at Jacob. Pumanaw na sila sa mundong ito, pero buhay sila kapiling ng Diyos.
[For FB: “Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buháy,” sabi nga ni Hesus. Kung buhay lamang sa lupa ang ating alam, ang buhay natin ay hanggang sa lupa lamang at hahantong sa permanenteng kamatayan. Sa kabilang dako, ang mga taong tunay na buhay ay yaong nakababatid na ang mundo ay pansamantala lamang. Kung gayon, ang kanilang isip at gawa ay hindi lamang tungkol sa mundong ito, kundi para rin sa kabilang buhay kasama ang Diyos na syang Diyos ng mga tapat at mga buhay, hindi Diyos ng mga makalupa at mga patay.