BAGONG UMAGA
Isang Masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Ito po muli ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Dakilain natin ang Panginoong Diyos sa pagsisimula ng panibagong araw, panibagong linggo upang mapapurihan Siya sa ating buhay. Ipinagkakaloob ng Panginoon ang mabubuting hangarin ng ating pus,o upang malubos ang ating kagalakan at mamuhay tayong nagpupuri at sumusunod sa Kanyang utos. Ito ang nangyari sa bulag na pinagaling ng Panginoon sa Ebanghelyo. Matapos siyang pagalingin ng Panginoon, niluwalhati Niya ang Diyos at sumunod siya sa Kanya. Ito rin ang hamon sa atin ng Mabuting Balita, ayon kay San Lukas kabanata Labing-walo, talata tatlumpu’t lima hanggang apatnapu’t tatlo.
EBANGHELYO: Mt 25:14-15, 19-21
Nang malapit na si Hesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong niya kung bakit. At may nagsabi sa kanya: “Sina Hesus na taga-Nazaret ang dumaraan.” Kaya sumigaw siya: “Hesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” Pinagsabihan siya at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman niyang nilakasan ang sigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.” Kaya tumigil si Hesus at ipinadala ang bulag sa kanya at nang malapit na ay itinanong: “Anong gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito: “Panginoon, makakita sana ako.” At sinabi ni Hesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Hesus. At nagpuri sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Gemmaria dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Mahirap maging bulag. Bukod sa napapagkaitan siya ng ganda ng paligid, kailangan niya ng gabay para umakay sa kanya. Kaya naman mistulang nanlimos ng paningin ang bulag. Humiyaw siya nang may pagmamakaawa. Habang sinasaway siya, lalo siyang nagsusumamo. Kaya nang lumapit sa kanya ang ating Hesus Maestro, nagmakaawa siya. Iisa lang ang hiling niya. “Bigyan n’yo po ako ng paningin”. Mulat siguro tayong lahat tungkol kay Ate Elvie na nabulag dahil minaltrato ng kanyang mga amo. Ganundin sa isang pulis na hinataw ng isang police colonel gamit ang kopita. Natamaan sa mata. Nabulag. Nakakadepress ang mawalan ng paningin, di ba? Paano na lang kung ang pagtingin natin sa Diyos ang mabulag? Lunod na tayo sa kinang ng yaman, sa pagkalugod sa edukasyong natanggap at kabantugan ng propesyon, sa security ng kapangyarihan at katanyagan. Minsan, may nagsabi sa akin na unless na hindi ko feel, hindi ako magsisimba. Parang wala akong nakikitang hiwaga. Mayroon din na sa hapag-kainan, home-cooked man ang pagkain o inorder online , nakakaligtaan nang handog ito ng Diyos at wala nang prayer before and after meals. Tandaan natin ang sinabi ni Antoine di Saint Exupery (read as Antuwan da Sant Edzupery) “It is only with the heart that one can see rightly; what is essential is invisible to the eyes.” Kaya’t humingi rin tayo ng tawad sa mga panahon na wala tayong nakikitang kahulugan sa tinitingnan natin. Naniniwala ako na hindi pa tayo humihiyaw ng “Panginoon, maawa ka sa akin.” idinadampi na Niya sa atin ang Kanyang sariling mapagmahal na paningin.