MATEO 5:1-12a
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawain sila. Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang Mga Propetang nauna sa inyo.”
PAGNINILAY:
Wala pa sa’ting nakakapunta sa Langit, pero ito ang hangad nating makamit pagkatapos ng maikling buhay natin dito sa mundo. At para makamit natin ang Langit, mahalagang nakatuon ang ating paningin sa buhay na walang hanggan habang tayo’y nabubuhay. Dahil ang magiging kalagayan natin doon, nakadepende sa kung paano tayong namuhay dito sa mundo. Ang lahat ng mga Banal na ipinagdiriwang natin ngayon, tinatamasa ang gantimpala nang buhay na walang hanggan, at ngayo’y masayang nagdiriwang kasama ang Diyos at lahat ng mga banal sa Langit. Magpahanggang ngayon patuloy silang tumutulong sa’tin nang tayo din makasama nila sa maluwalhating buhay kasama ang Diyos. Sa Langit, sa piling ng Diyos, makikita nating kasama ng mga banal ang mga taong kilala natin – ang ating lolo’t lola, mga magulang, kapatid, kamag-anak at iba pa. Oo, makikilala natin sila, pero iba na ang kanilang estado. Mas naging makatao sila, mas kumpleto at ganap, mas maganda, mas kaakit-akit – nagniningning sa kaluwalhatian. Lahat ng kanilang mga kahinaan napanibago na at nalinis. Mga kapatid, ang pagdiriwang ngayon ng Dakilang kapistahan ng mga banal, pagdiriwang din ng bawat isa sa atin. Tinatawagan tayong sumama sa kalipunan ng mga banal dito sa lupa, para nang sa Langit. Binigyan tayo ng Ebanghelyo ngayon ng mga panuntunan kung paanong maisabuhay ito. Sikapin nating yakapin ang buhay nang mga mapapalad sa mata ng Diyos. Sa mata ng tao sila ang mga kapuspalad. Pero sa mata ng Diyos, sila’y pinagpala hindi dahil sa panloob nilang kabutihan kundi dahil sa awa at kagustuhan ng Diyos na makasama sila sa buhay na walang hanggan.