EBANGHELYO: Lk 20:27-40
Lumapit ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Jesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” Sinagot sila ni Jesus: “nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilang buhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.” Nagsalita ang ilang guro ng Batas: “Guro, talaga ngang tama ang iyong sinabi.” Mula noo’y wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Cleric Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Madalas nating marinig (ang kwentong ito) na sinusubok ng mga Sadduseo o Pariseo si Hesus. Lagi nilang hinihintay na magbitiw siya ng mga maling salita o bagay na magbibigay ng dahilan sa kanila upang mahatulan si Hesus. Pero, bigo na naman sila. Isa itong paalala sa atin, na may mga taong nagnanais na makita lang ang ating pagkakamali’t sadyang mapanilo. Mabuting halimbawa ang ipinakita ni Hesus. Ginamit Niya ang kaalamang mayroon, upang maliwanagan ang mga nakikinig sa kaniya. Sa kanilang pagdidiskurso, di lang talino’t galing ang pinairal ni Hesus, kundi inakay Niya sa wastong pag-uunawa ang kanyang kausap. Sa kanyang pagpapaliwanag, naunawaan siya ng mga Sadduseo, naakay Niya sila tungo sa katotohanan at tama. Mga kapatid, sa mga pagkakataong tayo naman ang malagay sa ganitong sitwasyon, tularan natin ang halimbawa ni Hesus, na iminulat ang mga sa kanya’y naninilo patungo sa liwanag ng katotohanan. (Nawa, sa paggunita natin sa pagdadala sa templo kay Maria, maituro sa atin ng Mahal na Ina, siyang bituing tangan ni Joaquin at Ana, ang pinagmumulan ng tunay na liwanag, si Hesus ang liwanag ng sanlibutan. Amen.)