Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 21, 2021 – IKA-34 NA LINGGO Dakilang Kapistahan ng Paghahari ni Kristo sa Sanlibutan

EBANGHELYO: Jn 18:33b-37

Muling pumasok si Pilato sa palasyo, tinawag si Jesus at sinabi sa kanya: “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” “Mula ba sa iyo ang salitang ito o may nagsabi sa iyo tungkol sa akin?” “Ako ba’y Judio? Ipinaubaya ka sa akin ng mga kalahi mo at ng mga punong-pari. Ano ba ang ginawa mo?” “Hindi sa mundong ito galing ang pagkahari ko. Kung sa mundong ito galing ang pagkahari ko, makikibaka sana ang mga tauhan ko upang hindi ako maipaubaya sa mga Judio. Hindi nga galing dito ang pagkahari ko.” “Kaya hari ka nga, hindi ba?” “Ikaw ang nagsasabing hari ako. Isinilang ako upang magpatunay sa katotohanan dahil dito kaya ako dumating sa mundo. At nakikinig sa aking tinig ang sinumang makatotohanan.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, madalas ang ideya natin sa isang hari, ay may kahariang pinamumunuan, nakaluklok sa trono, may hawak na setro ng kapangyarihan at nakatira sa palasyo.  Pinuprotektahan siya at ipinagtatanggol ng kanyang nasasakupan; yumuyuko sila nang may paggalang, pumapasailalim sila sa kanyang kapangyarihan; at handa siyang ipaglaban hanggang kamatayan.  Kilala ang hari bilang isang mayaman at makapangyarihan, at may huling salita siya tungkol sa buhay at kamatayan ng kanyang mga nasasakupan.  Naiiba ang Panginoong Hesus sa haring nabanggit. Ang Krus ang Kanyang trono; namuno Siya sa pamamagitan ng pagpapakababa at paglilingkod. Ang Kanyang kapangyarihan ay makikita sa Kanyang awa, pagpapatawad, pag-aakay sa atin pabalik sa Ama; at sa Kanyang mapanligtas na pagmamahal, na gumapi sa kasalanan at kamatayan. Siya ang Mabuting Pastol na kumalinga, nagtanggol at namatay para sa atin.  Hindi katulad ni Pilato na pansariling kapakanan lang inisip.  Kahit alam niyang inosente si Hesus, nagpadala siya sa kahilingan ng mga taong ipako Siya sa krus.  Kinompromiso niya ang kanyang prinsipyo at pinahahalagahan, manatili lamang sa kanyang katungkulan.  Mga kapatid, sa pagdiriwang ngayon ng Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari, pasalamatan natin Siya sa walang hanggang pagmamahal Niya sa atin. Inako Niya ang krus nang may pagmamahal at kababaang-loob para sa ating kaligtasan.  Amen.