Daughters of Saint Paul

Nobyembre 21, 2024 – Huwebes | Paggunita sa Pagdadala sa Mahal na Birheng Maria sa Templo

Ebanghelyo:  Lucas 19:41-44

Nang malapit na siya sa Jerusalem at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Hesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”

Pagninilay:

            Ayon sa tradisyon, hindi magka-anak ang mag-asawang si Anna at Joaquin. Sa halip na tumalikod sa Panginoon, patuloy silang nanalangin at naging tapat sa Panginoon. At hindi sila nabigo. Kahit na sa kanilang katandaan, nagsilang si Anna ng isang babae at pinangalanan nilang Maria. Bilang katuparan sa kanilang kasunduan sa Panginoon, iniaalay nila ang kanilang anak sa Diyos at sa templo.

          Ito ang ginugunita natin sa araw na ito. Sa salin na tagalog, pagdadala ang ginamit na salita. Subalit nakita natin na may higit at mas malalim na kahulugan ito. Ito ang pag-lalahad, pag-aalay at pagtatalaga ng sarili para sa paglilingkod sa Panginoon. Tayo kaya? Paano tayo naglalahad, nag-aalay at nagtatalaga ng ating sarili para sa Panginoon?

          Kabaligtaran ito sa diwa ng narinig natin sa Ebanghelyo ngayon. Tumatangis o iniiyakan ni Hesus ang bayang Jerusalem. Maaring matanong natin kung saan nanggagaling ang emosyon na ito ni Hesus.

Umiyak tayo kapag malungkot, matindi ang galit, nabigo o kung lubos na nahahabag. Isang paraan ang pagtangis sa pagpapakita ng ating nararamdaman. Isang rituwal ng paglalabas ng saloobin. At higit sa lahat, pagpapakita din ito ng ating pagmamahal. Sabi nga ng mga kabataan, “hindi mo naman iiyakan kung hindi mo mahal.”

At dito, ipinapakita ni Hesus ang kanyang habag at pagmamahal sa bayang Jerusalem. Sa kabila ng tila marahas at nakakatakot na pangitain ni Hesus tungkol sa pagkasira at pagkagunaw ng Jerusalem, naramdaman natin ang higit niyang pag-aalala para sa bayang hindi naging tapat na tumalima sa Diyos.

Mga kapatid/kapanalig, matutunan nawa nating tularan ang halimbawa ni Maria, na naglalahad, nag-aalay at nagtatalaga ng sarili sa Panginoon.