Daughters of Saint Paul

Nobyembre 22, 2016 MARTES Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon / Santa Cecilia, dalaga at martir

Lk 21:5-11 

May ilang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus:  “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita: iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya:  “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?”        

            Sumagot si Jesus:  “Mag- ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing 'Ako ang Mesiyas; ako siya,' at 'Palapit na ang panahon.' Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita n'yo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.”

            At sinabi niya sa kanila:  “Magdidigmaan ang mga bayan at maglalaban-laban ang mga Kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa Langit.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, kung pinakinggan nating Mabuti ang ebanghelyo, nakakatakot ang mga babalang nabanggit dito.  At hindi natin maikakaila na nagaganap na ang mga ito sa panahon natin ngayon.  Katulad ng mga kaguluhan at digmaan sa gitnang Silangan; ang nakakaawang kalagayan ng mga refugees; ang pag-uusig at pagpatay sa mga Kristiyano, ang pagkawasak ng maraming pamilya dulot ng maling paggamit ng social media; ang human trafficking; summary killings at ang malawakang epekto ng Global warming at climate change na nagdudulot ng napakalalakas na bagyo, lindol, tsunami, landslides at pagbaha sa maraming bansa.  Talaga namang nakababahala ang mga pangyayaring ito, na labis na nakakaapekto sa buhay ng maraming tao! Dagdag pa dito ang mga nagsisulputang mangangaral na umaangking sila ang Mesiyas. Kaya nga binalaan tayo ng Panginoon sa ebanghelyo ngayon na mag-ingat at baka tayo madaya. Huwag tayong sumunod sa kanila.  Sa kabila ng nagpapatuloy na kaguluhan at karahasang ating nararanasan, huwag tayong maliligalig.  Dahil hindi pa ito ang katapusan.  Sa halip na maligalig, matakot at mangamba kung ano ang mangyayari sa atin sa hinaharap, paigtingin pa natin ang ating pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos na Maylikha sa ating lahat.  Dahil Siya ang may ganap na kontrol sa ating buhay at sa lahat ng nangyayari sa ating kapaligiran.  Panawagan din ito na maging laging handa sa pagdating ng Panginoon, dahil tunay na walang nakakaalam kung kelan Siya darating, at kung kelan magaganap ang katapusan ng mundo.