Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 22, 2021 – LUNES SA IKA-34 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lc 21:1-4

Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila subalit inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Narci Peñaredonda ng Sisters of Jesus Good Shepherd “Pastorelle” ang pagninilay sa ebanghelyo.  Nakasanayan natin na maghulog ng abuloy sa buslo ng koleksyon kapag parte na ng pag-aalay sa Banal na Misa. Marami sa atin ang inihuhulog ay barya lamang, surplus ng laman ng ating wallet na hindi na natin ginagastos. Pero ano ba ang diwa ng pag-aalay o paghahandog? Lahat tayo ay magsasabing pasasalamat at pagbabalik sa Panginoon ng bahagi ng Kanyang mga ipinagkaloob sa atin, dahil wala naman tayong pag-aari o biyaya, na hindi nagmula sa Kanya. Iyong tipong “everything I own, I owe from God.” Para sa isang taong may magandang trabaho, may buhay na nakaluluwag, nakapagbigay sila ng abuloy o donasyon, na hindi maaapektuhan ang kanilang budget. Mabibili pa rin nila at makakain, ang anumang gusto nila. At sa mga fund raising, ang mga taong ito ay madaling hingan ng tulong.  May kakilala ba kayo na katulad ng biyuda sa Mabuting Balita ngayon? Wala siyang pera kundi dalawang kusing na inihulog pa rin niya sa collection box. Bakit niya nakayang ibigay, nang maluwag sa kanyang kalooban ang pera, na maaring maging batayan ng kanyang seguridad? Naisip ko, lubos ang pagkakilala niya, at wagas ang pagmamahal niya, sa pinagkalooban niya ng abuloy. At buo ang kanyang tiwala at pag-asa, na ang anumang ibinigay niya nang taos-puso, doble ang babalik sa kanya.  Mga kapatid, ang sarap isiping kapag buo ang tiwala natin sa Panginoon, hindi tayo mangangamba, na tayo’y magkukulang, at kung magkulang man, hindi tayo nagsisisi sa ating ginawa, kasi ang gantimpala natin ay nasa langit na. Naalala ko ang mag nanay na nakatabi ko sa Simbahan. Sabi ng bata sa nanay niya, “Nay di ba tayo maghuhulog sa koleksyon?” Ang sagot ng Nanay, Änak tama lang sa ating pamasahe ang laman ng wallet ko. Kung maghuhulog tayo sa koleksyon, maglalakad tayong pauwi.” Ang sabi ng bata, “sige po Nanay, para naman iyon kay Jesus.” Isang musmos, kayang magsakripisyo para kay Hesus. Mga kapatid, tayong marami nang alam tungkol kay Hesus, at nagkaroon na rin ng ugnayan sa Kanya, hanggang saan natin kanyang maghandog ng sakripisyo para sa Kanya?