Ebanghelyo: Lucas 19:45-48
Pumasok si Hesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, at sinabi niya: “Nasusulat, ‘Magiging bahay-dalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!” Araw-araw na nangangaral si Hesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Pagninilay:
Narinig natin na nagalit si Hesus nang makita niyang ginawang pugad ng magnanakaw ang tahanan ng Diyos. Hindi niya hinayaang lapastanganin ang temple dahil sa pagmamahal niya sa Diyos at pagsunod sa Kanyang kautusan. Dalawang mahalagang bagay ang itinuturo ng pagbasang ito. Una, ang paggalang at pagsamba sa templo. At pangalawa, ang pagiging tapat sa mga utos ng Diyos.
Itinuturing ng Diyos na templo maging ang ating mga katawan, ayon sa sulat ni San Pablo sa 1 Corinthians 6:19. Bilang templo ng Diyos dapat natin itong igalang, alagaan, at panatilihing malinis; hindi lamang sa panlabas, kundi maging sa ating kalooban.
Nakikita ang ating katapatan sa pagsunod sa Diyos sa malinis na pamumuhay. Inaanyayahan niya tayo araw-araw na buksan ang ating mga puso upang dito’y manahan siya. Kaya dapat lagi nating ingatan ito para manatilihing marangal. Ang malinis na puso, maayos na pamumuhay, pagtalima sa kanyang mga salita, pangangalaga sa katawan ay pagpapahayag din ng ating pagmamahal, pagsamba, debosyon, at respeto sa kanya.
Kapanalig, suriin nating mabuti ang ating mga puso: Kaaya-aya ba sa Diyos ang aking mga gawain, salita, at pamumuhay?
Kapag inamin natin ang ating mga pagkukulang at kamalian, mas magiging malinaw ang mga bagay na dapat nating baguhin. Bigyan nawa tayo ng Panginoon ng pusong laging handang sumunod sa kanya. Sikapin nating maglingkod nang tapat, at sundin ang kanyang kalooban. Higit sa lahat, alagaan natin ang ating katawan, ang ating puso—na siyang tunay na templo, kung saan marapat na maghari at manahan ang Diyos. Pagpalain nawa tayo ng dakilang Diyos. Amen.