LUCAS 19:41-44
Nang malapit na siya sa Jerusalem at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Jesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”
PAGNINILAY:
Mga kapatid, ang pangalan ng lungsod ng Jerusalem, may pagkakaugnay sa salitang kapayapaan. Ang nakakalungkot tila hindi pinahahalagahan ng mamamayan nito ang pagkamit ng kapayapaan. Katunayan, tinanggihan nila at hindi kinilala ang tagapaghatid ng tunay na kapayapaan na nagmula sa Langit, walang-iba kundi ang Panginoong Jesus. Ang katigasan ng puso ng mga taga-Jerusalem, ang nagpaiyak kay Jesus. Umiyak Siya, hindi dahil naawa Siya sa Kanyang sarili; kundi naawa Siya sa mga taong ayaw magbukas ng puso sa pagmamahal ng Panginoon at sa kapayapaang handog ng pagmamahal na ito. Tinanggap nga Siya ng mga tao noong pumasok Siya sa lungsod ng Jerusalem, pero hindi bilang tagapaghatid ng kapayapaan, kundi bilang isang mandirigma na inaasahan nilang magpapalaya sa kanilang pagka-alipin mula sa mga kamay ng Romano. Pero hindi iyon ang misyon ng Panginoong Jesus. At dahil dito, nagsimula na silang magalit sa Panginoon at gumawa ng mga paraan upang Siya’y ipapatay. Ang mga pangyayaring ito sa buhay ng Panginoon, patuloy pa ring nangyayari ngayon sa ating panahon. Mayroon tayong sariling plano sa buhay; at kahit ang Diyos ayaw nating makikialam. Para bang tayo ang may kontrol ng lahat; at kung hindi natin makakamit ang gusto natin, nagrereklamo tayo at sinisisi ang Diyos. Mga kapatid, nais natin ng kapayapaan, pero ayaw naman nating tanggapin ang inihahandog na kapayapaan ng Panginoon. Ito’y sa dahilang nais din nating makamit ang inihahandog ng mundo, na kalimitang naghahatid sa atin ng kaguluhan ng isip at sakit ng puso. Panginoon, hangad ko pong maghari ang Iyong kapayaan sa aking puso, nang maging tagapaghatid din ako ng kapayapaan sa iba. Sikapin ko nawa laging iayon ang aking buhay Sa’yong kalooban, nang makamit ko ang tunay na kapayapaan. Amen.