EBANGHELYO: Lc 21:5-11
May ilang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinasabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?” Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan na magsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita n’yo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at naglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa Langit.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Bro. Alvin Keith De Perio ng Institute of St. Gabriel the Archangel ang pagninilay sa ebangheyo. Marahil marami sa atin ang aware sa mga sinsabi sa online at telebisyon ukol sa tumataas na kaso ng COVID sa mundo, at ang mga kaguluhan sa mga bansang Afghanistan at Myanmar kamakailan. May mga nagsasabing, senyales na raw ang mga ito na matatapos na ang mundo. May mga iilan din sa atin ang nakararamdam ng takot, hindi lamang para sa ating mga sarili, kundi para sa ating mga mahal sa buhay. Mga kapatid, ang mensahe sa atin ng ating ebanghelyo ngayong araw, ay nagpapaalala, na ang mga pagsubok na dumarating sa ating buhay ay maaaring maging instrumento, upang mapatatag ang ating pananampalataya, pag-asa at pag-ibig. Hindi pinangako ni Hesus ang maginhawang buhay, kundi ang kanyang mapagmahal na presensya upang masamahan tayo sa ating paglalakbay. Marami pa tayong mga pagsubok na kahaharapin sa ating buhay. Pero kung kasama natin ang Panginoong Hesus sa pagharap ng mga ito, ang mabigat na pasanin ay madadala natin nang buong sigla at lakas. Kaya’t halina, tumindig tayo at tignan ng buong pagmamahal si Hesus, ang bukal ng ating pag-asa at nagpapalakas sa ating mga kahinaan. Amen.