Daughters of Saint Paul

Nobyembre 24, 2016 HUWEBES Ika-34 Linggo sa Karaniwang Panahon / San Andres Dung-Lac, pari at mga Kasama, mga martir

Lk 21:20-28

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga:  “Kung makita n'yong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin n'yong sumapit na ang kanyang pagkawasak. Kaya tumakas pa-bundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, at huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid.

            “Sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti sa kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa.

            “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan, at mga bituin. Sa lupa'y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati.

            “Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, tinutukoy ni Jesus ang reaksyon ng mga elemento ng kalikasan kapag sumapit na ang wakas ng daigdig.  Mangangatal ang buong sangnilikha, ang santinakpan, at sangkatauhan sa pagdating ng Panginoong may kapangyarihan at luwalhati.  Sinabi Niya ito, hindi upang tayo’y takutin!  Sa halip, upang magsilbing inspirasyon ito sa ating lahat na magbagumbuhay. Panahon na, upang seryosohin ang ating buhay Kristiyano; at huwag gawing laru-laro lamang ang ating buhay sa daigdig. Kung sa araw-araw nating buhay lagi nating isinasaisip ang katotohanang ito, siguro’y hindi tayo magsasayang ng oras sa mga walang kuwentang gawain na magpapahamak sa’ting kaluluwa. Siguro gugugulin natin ang hiram nating buhay sa mga gawaing makakatulong sa paglago ng ating buhay-pananampalataya at pakikipag-kapwa tao.  Mga kapatid, ang tiket natin papunta sa kabilang buhay, ay kung paano natin ginamit ang maikling panahong pinahiram ng Diyos dito sa lupa.  Panginoon, bigyan Mo po ako ng karunungang kamtin ang buhay na walang-hanggan.  Amen.