LUCAS 19:45-48
Pumasok si Jesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, at sinabi niya: “Nasusulat, ‘Magiging bahay-dalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!” Araw-araw na nangangaral si Jesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
PAGNINILAY:
Ang pagpalayas ni Jesus sa mga nagtitinda sa patyo ng Templo tanda ng kanyang labis na pagpapahalaga at pagagalang sa Bahay ng Kanyang Ama. Kung paanong Niyang pinahalagahan ang Templo bilang bahay-dalanginan, iyon din ang inaasahan Niya sa ating mga tagasunod Niya. Anupa’t higit na paggalang ang nararapat na ibigay natin sa Templo o sa mga Simbahan natin sa kasalukuyan, dahil ang Panginoong Jesus mismo ang nananahan sa Banal na Eukaristiya. Hindi man natin Siya nakikita – pero naniniwala tayong ang Banal na Eukaristiya ang tanda ng Kanyang buhay na pananatili sa ating piling. Kaya sa tuwing pumapasok tayo sa Simbahan, damhin natin ang presensiya ng Panginoon sa katahimikan ng ating puso. Sambahin natin Siya’t papurihan sa Santisimo Sakramento. At iluhog natin sa Kanya ang ating taos pusong pasasalamat sa mga biyayang patuloy nating tinatanggap. Ito rin ang tamang pagkakataon para idulog sa Kanya ang ating mga hinaing at paghihirap sa buhay. Mga kapatid, paano ba natin iginagalang ang Simbahan bilang bahay dalanginan? Ang angkop na pananamit at pagkilos, ang pagluhod o pagyukod sa harap ng Santisimo Sakramento, ang pagtahimik, ang pag-alis ng saklob o sumbrero, ang hindi pagtext at pagtsismis, ang hindi pagkain at pag-inom sa loob ng Templo, ang hindi pagkakalat at ang pananalangin sa bahay ng Diyos – ito ang mga nararapat nating gawin sa loob ng Simbahan. Hamon ito sa mga magulang na turuan ang mga bata sa tamang gawi at pagpapahalaga sa simbahan nang makasanayan na nila ito hanggang sa kanilang paglaki. Panginoon, ipagkaloob Mo pong lagi kong igalang ang simbahan bilang bahay- dalanginan. Maging huwaran nawa ako ng mga kabataan sa tunay na pagsamba Sa’yo. Amen.