EBANGHELYO: Lk 21:5-11
May ilang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinasabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?” Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan na magsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita n’yo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at naglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa Langit.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kapatid, pinaghahandaan mo rin ba ang kabilang-buhay? Paano? Sabi ng nakasulat sa aking mug, “the best preparation for tomorrow is doing your best today”. Hindi tayo mag-aalala, kung saan tayo pupunta matapos ang ating paglalakbay dito sa lupa, kung ginagampanan natin nang maayos at buong puso, ang ating mga tungkulin. Hindi natin kailangang malaman kung kailan ang huling paghuhukom, kung lagi tayong handang humarap sa ating Panginoon. Nasa huling Linggo na po tayo ng Liturgical calendar. Sa darating na Linggo, papasok na tayo sa Panahon ng Adbiyento kaya pinapaalalahanan tayo ng mga Pagbasa, na hindi lamang buhay dito sa lupa, ang dapat nating isipin at paghandaan. Meron pang ikalawang-buhay, na higit nating dapat paghandaan, dahil iyon ang huling hantungan ng ating kaluluwa. Ayon sa ating Katekesis, merong tatlong patutunguhan ang ating kaluluwa, kapag pumanaw na tayo dito sa lupa: ang langit, ang purgatoryo o kaya ang impiyerno. Sa uri ng ating pamumuhay dito sa lupa nakasalalay, ang huling hahantungan ng ating kaluluwa. Kapatid, piliin nawa natin ang mapunta sa langit, kapiling ang ating Panginoon na nagkaloob ng ating buhay. Tiyak na mapuspos tayo ng galak at kapayapaang, tanging Siya lamang ang makapagkakaloob. Amen.