EBANGHELYO: Lc 21:12-19
Sinabi naman ni Jesus: “Bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isaisip n’yo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karununganng hindi matatagalan o masasagot ng lahat ng inyong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Humigit kumulang tatlumpung taon ang lumipas nang matupad ang propesiya ni Hesus tungkol sa pag-uusig na sasapitin ng kanyang mga alagad. Sumiklab ang malawakang pang-aabuso, paniniil at pagpapahirap sa mga Kristiyano. Nang isulat ni San Lucas ang ebanghelyo, pinili niyang balikan ang babala ni Hesus tungkol sa pag-uusig sa mga mananampalataya. Ito’y isang pag-uusig na kasasangkutan at magwawatak-watak sa mga malalapit na mga kamag-anak. (Magugunita na ipinasunog ni emperador Nero ang Roma at pinagbintangan niya ang mga Kristiyano sa krimen na siya ang gumawa. Ang Coloseo sa Roma ay isang malagim na alaala, ng pagmamalupit sa mga Kristiyano na ipinalapa sa mga gutom na hayop. Isa rin itong bantayog sa katapangan ng mga Kristiyano at sa kanilang katapatan sa pananampalataya sa Diyos. Ilan kaya sa mga naging saksi sa pagiging martir ng mga unang Kristiyano ang naantig ang kalooban dahil sa kanilang matibay at matatag na pananampalataya?) Mga kapatid, sa panahon ng mga unang Kristiyano, pinag-uusig ang mga naging tapat kay Hesucristo. Sa isang pamilya, mayroong mananampalataya sa Diyos at mayroon din namang sumasamba sa emperador. Ang pagiging isang Kristiyano ay itinuring na labag sa batas, at ang mga Kristiyano ay inakusahan na mga nanggugulo sa lipunan. Kaya’t mismong kamag-anak ang nagsusuplong sa mga otoridad sa kamag-anak nilang Kristiyano. Dahil dito, madali silang natukoy at nadakip. Ipinaalala ni Lucas sa mga Kristiyano na nakita na ni Hesus ang lahat ng sasapitin ng mga unang Kristiyano, pero hindi sa kamatayan o pagkabigo magwawakas ang lahat. Tiniyak ni Hesus na ipapadala sa mga Kristiyano ang Espiritu Santo para makayanan nilang harapin ang lahat ng pagsubok. Gagabayan sila ng Espiritu ng Panginoon at sa huli’y magtatagumpay, at makakamit ang buhay na walang hanggan.