Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 25, 2020 – MIYERKULES SA IKA-34 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 21:12-19

Sinabi naman ni Jesus: “Bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isaisip n’yo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karununganng hindi matatagalan o masasagot ng lahat ng inyong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Bro. Jess Madrid ng Archdiocese ng Manila ang pagninilay ng ibabahagi ko sa inyo.  Magandang buhay po! Ano ba ang nagpapaganda ng buhay? Kawalan ba ng problema? Kapag komportable ba? Kapag madali ba? Kapag nakukuha mo ang lahat ng gusto mo? Kapag hindi ka nasasaktan? Yan ba ang nagpapaganda ng buhay? Naniniwala ako na ang tunay na nagpapaganda ng ating mga buhay ay ang presensya ng Diyos sa ating mga kalooban. At pinapaalala sa atin ng ebanghelyo na ang buhay sa piling ng Diyos dito sa lupa ay hindi buhay na walang problema, hindi buhay na walang pasakit, hindi komportableng buhay, hindi buhay na walang pagsubok, bagkus, buhay na may kapayapaan sa kalooban sa kabila ng lahat ng gulo, dahil may Diyos na sumama, dumadamay, at nangangakong hindi magpapabaya sa mga taong nabubuhay ng tapat sa Kanya. Naalala ko noong papasok ako ng seminaryo, nagkaroon ako ng problema sa pamilya. Tinanong ko ang Diyos, bakit po ganito ang nangyayari sa akin? Inihahanda ko naman na ang sarili ko para ibigay sa iyo pero bakit ganito po? At marami pang mga hirap na dinaanan sa kabila ng pagsunod sa Diyos. Hindi madali, maraming sakit, at maraming katanungan. Sa kabila ng lahat ng gulo, may Diyos na tapat na umalalay, at nagpadala ng kanyang mga tulong, na nagmulat sa akin na ang pagdamay ng Diyos sa kabila ng kapangitan ng karanasan, ang nagpapaganda ng buhay. Magtiis at magtiwala at makikita mo ang ganda ng buhay na alay ng Diyos.