EBANGHELYO: Lc 21:20-28
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung makita ninyong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin ninyong sumapit na ang kanyang pagkawasak. Kaya tumakas pa-bundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, at huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid. Sapagkat ito ang mga araw ng pahihiganti sa kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa. Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sis Amie Batoctoy ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo. Kapatid, nalulungkot ka ba at nababahala sa “end times” o sa katapusan ng mundo? Ito ang sinasabi sa narinig nating Mabuting Balitang mula kay San Lukas. Ang pinagdadaanan nating pandemya, ang malalakas na bagyo, pagsabog ng bulkan, pagyanig ng lupa o lindol, patayan at ang hindi pagkakaintindihan ng mga tao ay maaari nating maihalintulad sa mga tanda ng katapusan ng mundo. Pero sa gitna ng mga malagim na pangyayaring ito, pinapaalalahanan tayo ng Panginoon na huwag matakot. Sa halip, sa halip tumindig at tumunghay, dahil malapit na ang ating katubusan. Tatagan pa natin ang pananalig sa Diyos ng pag- ibig, Diyos na gumagabay sa ating buhay araw araw, at Diyos na handang magpatawad sa ating mga kakulangan at kasalanan. Mga kapatid, kung napupuspos tayo ng takot at pangamba sa ngayon, dahil sa mga nangyayari sa ating kapaligiran, lalo pa tayong magdasal at magtiwala sa Diyos, upang ang ating takot ay mapalitan ng pag-asa, at matatag na paniniwala sa walang hanggang pagmamahal ng Diyos.
PANALANGIN
O Diyos naming Mapagmahal, mahabag po kayo sa amin. Pawiin nyo po ang takot at pangamba sa aming puso, at dagdagan ang aming pananampalataya, na kasa-kasama ka namin sa pagharap ng mga pagsubok araw-araw. Maging handa nawa kami lagi sa’Yong pagdating, anumang oras ito dumating sa aming buhay, Amen.