Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 25, 2023 – SABADO SA IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON  |  Santa Catalina Alejandria, dalaga at martir

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo.  Pasalamatan natin ang Butihing Diyos sa pagpanibago ng ating lakas at pag-asa upang harapin ang buong maghapon nang may lubos na pagtitiwala.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Panawagang pagyamanin ang hiram nating buhay ang hamon ng Mabuting Balita ngayon ayon kay San Lukas kabanata Dalawampu, talata dalawampu’t pito hanggang apatnapu.

EBANGHELYO: Lk 20:27-40

Lumapit ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Hesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” Sinagot sila ni Hesus: “nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilang buhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.” Nagsalita ang ilang guro ng Batas: “Guro, talaga ngang tama ang iyong sinabi.” Mula noo’y wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Hindi naniniwala ang mga Saduseo sa muling pagkabuhay. Sinubukan pa talaga nila si Hesus upang patunayan ang katotohanan ng muling pagkabuhay. May mga pagkakataong nagiging Saduseo din ang ating pag-uugali, sa mga bagay-bagay na ipinipilit natin ayon sa ating paniniwala. Sa aming pagmi-misyon marami na rin akong nasumpungang mala-Saduseo ang pananaw sa buhay, hirap buksan ang mga mata sa mga paraan at katotohanang itinuturo ni Hesus, tumatangging palayain ang puso sa pagkaalipin sa pansariling kamangmangan at saradong kaisipan. Sa ganitong sitwasyon, malabong masaksihan ang mga maliliit at malalaking himala at kaparaanang ginagawa ng buhậy na Panginoon, sa ating pang araw-araw na pamumuhay. Nakapanlulumo na may mga tumatanggi sa kabutihan ng Diyos, at pilit na isinusulong ang pagtiwala sa sariling kakayahan lamang. Kapatid, panahon na upang ipagkatiwala ang ating sarili sa Diyos. Buhậy ang Panginoon, Siya lamang, at wala nang iba, ang nag-iisang Hari ng Sansinukob, ang tunay na nagmamalasakit at nagmamahal sa ating lahat.