Daughters of Saint Paul

Nobyembre 25, 2024 – Lunes ng Ika-34 | Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (II) | Paggunita kay Santa Catalina ng Alejandria, dalaga at martir

Ebanghelyo: Lucas 21:1-4

Tumingin si Hesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila subalit inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”

Pagninilay:

Ipinagdiwang po natin ang kapistahan ng Christ the King, kahapon. Nagpapaalala ito na si Hesus ang Hari ng sanlibutan, at ang Kanyang kaharian ay kaharian ng pag-ibig.

Ano ba ang kaharian ng pag-ibig? Walang pag-iimbot, walang kasakiman at pang-aapi, walang kasinungalingan, walang pagkamuhi at anumang kasamaan. Ito po ang kaharian ng pagmamahal na naghihintay sa atin sa kabilang buhay. Ipinadama ni Hesus ang pagmamahal niya sa atin sa Kanyang pagkamatay sa Krus. Patuloy Niyang ipinadarama ito upang Siya ang maghari sa ating mga puso.

Paano ba maghahari si Hesus sa ating puso? Ipinakita ito ni Hesus sa ebanghelyo ngayon. Isang babaeng balo ang nagbigay ng ilang kusing, o dalawang malilit na tanso, sa temple bilang pasasalamat sa mga biyaya ng Diyos. Ibinigay niya ang lahat-lahat, kahit naghihikahos siya. Hindi niya inalintana ang kanyang matinding pangangailangan, dahil nagtiwala siya na di siya pababayaan ng Diyos.

Anong bagay ang maaari nating ihandog nang buong-puso sa Diyos at sa ating kapwa? Maraming pagkakataon na tinatawag tayong magbahagi ng ating kayamanan. Hindi lamang sa pamamagitan ng salapi, kundi ng ating presensya, ng ating panahon at mga panalangin, para sa mga kapatid nating nagdadalamhati at nagdurusa. Maaaring ‘yan ang dalawang “kusing” ng pagmamahal na buong-puso nating maiaalay para sa Diyos at para sa kapwa. Hindi mahalaga kung gaano man kaliit o kalaki ang ating handog. Ang mahalaga ay ang bukas-palad na pagbibigay at tapat na pagmamahal. Kaya naman, pinuri ni Hesus ang balo, at ginawa siyang huwaran para sa Kanyang mga alagad. Kapanalig, masasabi mo rin bang huwaran ka ng pagmamahal? Manalangin tayo: “Panginoon, bigyan mo kami ng lakas ng loob na magbigay ng todo-todo, at manalig na hindi mo kami pababayaan kailanman. Amen.