Daughters of Saint Paul

Nobyembre 26, 2017 Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon / Dakilang Kapistahan ng Paghahari ni Kristo sa Sanlibutan

MATEO 25:31-46

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono.  Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao.  Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya:  'Halikayo,  pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauuhaw ako at inyong pinainom, ng may sakit ako, binisita n'yo ako.  Nang ako'y nasa bilangguan, dinalaw n'yo ako.' “At itatanong sa kanya ng mabubuti; 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?  Sasagutin sila ng Hari:  ''Talagang sinasabi  ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko,  sa akin ninyo ginawa.' Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya:  'Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko, sapagkat nagutom ako, maysakit at nasa bilangguan at di n'yo binisita.' “Kaya itatanong din nila:  'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at di namin pinaglingkuran?  Sasagutin sila ng Hari:  'Talagang sinasabi ko sa inyo:  anuman ang di n'yo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi n'yo ginawa sa akin.' “At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa,  ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”

PAGNINILAY:

Isang mensahe ng pagdiriwang ng Paghahari ni Kristo sa sanlibutan, ang pagsusuri ng ating mga sarili kung si Kristo nga ba talaga ang tunay na naghahari sa ating buhay, sa sa ating puso, sa isip at sa buong pagkatao.  Kung hindi pa, inaanyayahan tayo ng pagdiriwang na ito na isuko natin sa Panginoon ang ating mga sarili, at ang ating kahandaang pagharian Niya at gamitin ayon sa Kanyang layunin, habang tayo’y nabubuhay. Amen.