Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 26, 2020 – HUWEBES SA IKA-34 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 21:20-28

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung makita ninyong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin ninyong sumapit na ang kanyang pagkawasak. Kaya tumakas pa-bundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, at huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid. Sapagkat ito ang mga araw ng pahihiganti sa kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa. Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Maricor Mercurio ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Ano ang reaksyon n’yo sa Ebanghelyo ngayon? Marahil sasabihin natin: “Naku! Ito na nga ang nangyayari ngayon! Mga kalamidad at pandemya” at nakakatakot ‘di ba? Pero mga kapatid, ang mga paghihirap, ang mga kalamidad at kahit na ang Covid 19 pandemic na ating nararanasan ay mga paalaala na may iisang Diyos, / na bagamat lubos na makapangyarihan, / ay isang mapagmahal na Ama / na walang ninanais kundi ang kabutihan ng kanyang mga anak. Kaya sa kabila ng mga kahirapang ating nararanasan, kung lubos ang ating pananampalataya sa Panginoon, wala tayong dapat ipangamba, dahil hindi Niya tayo pababayaan. Pero, / kung talagang matigas ang ulo at puso natin at ayaw nating talikuran ang ating mga kasalanan, / aba, eh! / dapat nga tayong matakot. Ibinibigay sa atin ng Diyos ang pagkakataon upang seryosohin ang ating buhay Kristiyano at maniwala sana tayo na hindi tayo naglalaro lamang dito sa daigdig. Obligasyon nating paghandaan ang buhay sa Kaharian ng Ama. / Totoo, / ang kaligtasan ay mula sa kagandahang-loob ng Diyos, / pero, kailangan ang ating pakikiisa sa pamamagitan ng pag-gawa ng kabutihan at mapagmahal na paglilingkod sa ating kapuwa. Maigsi lang ang ating buhay, huwag nating sayangin ang panahon. Samantalahin natin ang bawa’t sandaling ibinibigay ng Panginoon at gamitin natin ito sa kabutihan bago pa mahuli ang lahat. Sa tulong ng Espiritu Santo sikapin nating mapabilang sa mga taong sasabihan ni Jesus ng ganito: “Tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong kaligtasan.”  

PANALANGIN

Diyos naming Ama, patatagin mo po ang aming pananampalataya. Maunawaan sana namin na sa bawat pag-subok at paghihirap na aming nararanasan, Ikaw ay aming kasama at hindi mo kami iiwan. Amen