Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 26, 2021 – BIYERNES SA IKA-34 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lc 21:29-33

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ang isang talinhaga: “Tingnan ninyo ang punong-igos at ang ibang mga puno. Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-init. Gayundin naman, pag napasin ninyo ang mga ito, alamin ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking salita.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Nerisse Reyes, isang Pauline Cooperator ng Society of St. Paul-Makati, ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang Mabuting Balita na pinanghahawakan nating mga Kristiyano ay ang pagbabalik ng Anak ng Tao upang maganap ng lubos ang Kaharian ng Diyos tulad ng Kanyang ipinangako sa Kanyang mga Apostoles. Hindi tulad nang una niyang pagdating kung saan siya’y tinanggihan, ipinako at namatay sa Krus, hindi na Siya tatanggihan sa Kanyang kamangha-mangha at makapangyarihang muling pagbabalik. Ayon sa Banal na Kasulatan bago mangyari ang lahat ng ito, maraming pagsubok ang ating dapat pagdaanan – tulad ng digmaan, malalakas na lindol, bagyo, baha, taggutom, paglitaw ng mga kakaibang bagay at kababalaghan mula sa langit, at pag-uusig at pagpatay sa mga Kristiyano at marami pang iba.  Saksi na tayo sa mga ibang pangyayaring mga ito.   Sa talinhaga ni Hesus tungkol sa puno ng igos itinuturo Niya sa atin na kapag nakikita na natin ang mga pangyayaring ito sa panahon natin, alam nating nalalapit na ang Kaharian ng Diyos. Pero kahit lumipas ang langit at lupa, nangako si Hesus na hindi lilipas ang mga salita Niya kailanman. Kaya sa halip na matakot, gamitin nating pagkakataon ang mga ito upang makapagpatotoo tungkol kay Hesus. Dahil tanging Diyos lamang naman talaga ang nakakaalam ng araw at oras, huwag nawa tayong mapuspos ng sobrang pag-iisip at pag-aalala kung kailan ito mangyayari. Sa halip gamitin ang oras at talentong ipinagkaloob sa atin ng Diyos upang mas kilalanin pa ang ating Tagapagligtas. Bawa’t araw mamuhay tayo sa paraang makikita ng iba si Hesus sa ating pagkatao – sa ating mga salita, isip at gawa. Sa ganitong mga paraan, sasalubungin natin ang pagbabalik ni Hesus nang walang takot, handa at puno ng kagalakan.