Ebanghelyo: Lucas 21:5-11
May ilang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinasabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Hesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?” Paano namin malalaman? Sumagot si Hesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan na magsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita n’yo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at naglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa Langit.”
Pagninilay:
Itinuro ni Hesus na may katapusan ang lahat, maganda man o hindi. Kaya hanapin natin ang magtatagal, hangarin natin ang mabuti, sikapin nating maging mapagmahal. Sa madaling sabi, sikapin nating makamit ang Kaharian sa Langit.
Marami nang naganap na mga kalamidad—natural man o gawa ng tao—lindol, baha, bagyo, tsunami, mga digmaan, at iba pang puwedeng mangyari. Sabi ni Hesus, kailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi ito agad ang magiging katapusan. Kaya huwag tayong mabalisa sa mga senyales ng pagtatapos ng panahon. Mas paghandaan natin ang araw ng Paghuhukom, na Diyos lamang ang tanging nakakaalam kung kailan.
Maging handa sa anumang oras, sikapin nating maging mapagmahal higit sa lahat sa Diyos, gayundin sa ating kapwa.
Huwag tayong mangamba o maguluhan sa mga pangyayaring di naman natin alam kung kailan magaganap. Sa halip, ituon natin ang buong sarili sa pagiging mas tapat sa ating pananampalataya sa gitna ng mga pag uusig, mga huwad na propeta, at mga tukso na hahamon sa atin. Sa kabila ng lahat ng paghihirap na maaaring makaharap natin, ang Diyos ay laging kasama natin. Pag-asa at hindi pananakot ang dala ng Mabuting Balita ngayong araw na ito. Patuloy tayong magtiwala na babangon tayo kasama ni Hesus sa huling araw. Kaya naman huwag tayong matakot! Lagi tayong mamuhay nang may masayang pag-asa, habang hinihintay natin ang muling pagbabalik ni Hesus. Ang pananalig natin sa kanya ang magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan.