LUCAS 21:1-4
Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila pero inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”
PAGNINILAY:
Noong panahon ni Jesus, may lugar sa Templo na kung tawagin Bulwagan ng mga Kababaihan, kung saan naroroon ang mga lalagyan ng abuloy. Ang lalagyan ng mga abuloy, may hugis na tulad sa bunganga ng trumpeta. Dito naghuhulog ng abuloy ang mga tao para sa pang-araw-araw na gastusin sa Templo. Ayon sa Ebanghelyo, si Jesus nakaupo sa lugar na ito at inoobserbahan niya ang nagaganap doon. Nang dumating ang isang mayaman at naghulog ng kanyang abuloy, kumalansing ito nang matagal na nagpapahiwatig na malaki ang abuloy niya. Samantala, dumating naman ang biyuda at naghulog ng dalawang lepta, ang pinakamababang pera noong panahong iyon. Gaya ng inaasahan, ang inihulog niya sandali lang kumalansing. Walang pumansin sa inihulog ng biyuda dahil napakababa ng halaga nito. Pero napansin ito ni Jesus at sinabing ang biyuda ang nagbigay ng pinakamalaki sa lahat. Dahil mahirap ang biyuda, ang ibinigay niya – ang lahat-lahat para sa kanya. Ang ibinigay lamang ng mga mayayaman, ang labis sa kanilang kayamanan. Mga kapanalig, suriin natin ang ating mga pagkawang-gawa sa kapwa at pag-abuloy sa simbahan. Ito ba’y pagtulong na nanggagaling sa puso at hindi naghihintay ng kapalit? O ito’y pagtulong na naghahangad ng pagkilala at papuri sa mga nakakikita. Katulad ng mayaman sa Ebanghelyo na ipinangalandakan ang kanyang pag-abuloy ng malaki. Pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon na nababatid ng Diyos ang motibo sa ating puso. Gaano man kaliit o kalaki ang tulong na maibibigay natin sa kapwa, hindi mahalaga iyon. Ang mahalaga, ang pagmamahal na kalakip sa ginagawa nating pagtulong. Manalangin tayo. Panginoon, turuan Mo po akong maging bukaspalad sa mga taong nangangailangan. Sa kabila ng aking sariling pangangailangan matularan ko nawa ang pananalig ng biyuda na handang magbigay ng lahat-lahat nang nasa kanya dahil lubos siyang nagtitiwala na di Mo siya pababayaan. Dagdagan Mo po ang aking pananampalataya. Amen.