Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 27, 2019 – MIYERKULES SA IKA-34 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 21:12-19

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isaisip n’yo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karununganng hindi matatagalan o masasagot ng lahat n’yong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili n’yo mismo ang inyong makakamit.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyo natin ngayon, tinalakay ng Panginoong Jesus ang mga tanda ng katapusan na haharapin ng Kanyang mga alagad, kapag naging tapat sila sa Kanya.  Uusigin sila ng mga may kapangyarihan sa larangan ng pulitika at relihiyon.  Ipagkakanulo sila ng kanilang mga pamilya at kamumuhian ng lahat.  Malalagay sa panganib ang kanilang buhay.  Pero ang lahat ng ito, mga pagkakataon upang magpatotoo sila sa kanilang pananampalataya kay Jesus.  Hindi na nila kakailanganing maghanda ng kanilang depensa dahil ang Diyos mismo ang magtatanggol sa kanila.  Mga kapanalig, hindi kaligtasan sa sakit at problema ang pangako ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo, kundi karunungan, pagpapala o espiritwal na kalakasan upang maging matatag at matapat.  Maaaring hindi sila masanggahan ng proteksyon ng Diyos laban sa kapahamakan sa tuwina, pero may kakabit na gantimpala ang bawat pagdurusa.  Walang mawawala sa kanila, kahit isang hibla ng buhok. Nakabatay ang katiwasayan sa tiyaga at sigasig.  Di nga ba’t sinabi ni Jesus na pinagpala ang mga inuusig? “Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin.  Magsaya kayo at magalak dahil malaki ang gantimpalang nilaan ng Diyos para sa inyo.”   Kaya sa mga pagkakataong nakararanas tayo ng mga pagsubok at pag-uusig dahil sa ating pananampalataya, panghawakan natin ang pangakong ito ng Panginoon.  Huwag tayong bibitaw sa gitna na pagsubok.  Sa halip, humugot tayo ng lakas sa Panginoon na Siyang magtatanggol sa atin.  Siya ma’y inusig din nang katakut-takot na humantong pa sa Kanyang pag-aalay ng buhay. Pero naging tapat Siya hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng Kanyang buhay, kaya niluwalhati Siya ng Diyos Ama. Ito rin ang gantimpalang hinihintay natin, pagkatapos ng maikling buhay natin sa mundo.  – Sr. Lines Salazar, fsp

PANALANGIN:

Panginoon, palakasin Mo po ang aking pananampalataya nang manatili akong tapat at nakakapit Sa’yo hanggang sa huling sandali ng aking buhay.  Amen.