EBANGHELYO: Lk 21:29-33
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ang isang talinhaga: “Tingnan ninyo ang punong-igos at ang ibang mga puno. Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-init. Gayundin naman, pag napasin ninyo ang mga ito, alamin ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking salita.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Bro. Jess Madrid ng Archdiocese ng Manila ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Magandang buhay po! Naranasan niyo na ba masabihan ng, “Wala kang isang salita!” Sinasabi ito marahil ng mga tao, kapag may nagsabi ng mga magagandang salita, magagandang pangako, pangakong mamahalin ka habang buhay, pangakong hindi ka iiwan, pangakong hindi ka sasaktan. Itong mga ganitong pangungusap ay nagbibigay ng pag-asa at ligaya, lalo na kapag ang nagbibitaw ay mahal mo. Pero maraming pagkakataon, na ang ganyang mga salita ay mag-iiwan ng sugat dahil nasabi ngunit ang nagsabi ay hindi naging tapat sa binitiwang magagandang salita. Wala kang isang salita! At sa ebanghelyo sa araw na ito, binibigyan tayo ng pag-asa ng Panginoon. Oo, lahat ay maglalaho. Lahat ng mahalaga sa atin ay mawawala. Lahat ng mayroon tayo mauubos. Pati ang langit at lupa ay mawawala. Pero ano raw ang hindi mawawala? Ano ang mananatili magpakailanman? May isang salita, Ang Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ang ating kakapitan. Ang Salita ng Diyos ang ating pag-asa. Ang Salita ng Diyos ang magbibigay kapayapaan sa ating mga buhay. Ang Salita na ito ay totoo at buhay. Ang Salita na ito ay nagkatawang tao. Ang Salita na ito ay dumaramay sa ating mga buhay, upang tayo na nabubuhay sa lupa, ay maiangat niya sa buhay na walang hanggan. Ang Salitang ito ay si Hesus. Naalala ko noong nawala si papa sa mundong ito. Unang gabi, walang makapagbigay ng salita, kaya ang aking ginawa tinipon ko ang aking pamilya at humingi sa Panginoon ng Salita. Hiningi ko yung presensya Niya upang magsalita sa pamamagitan ko. Namuno ako sa pananalangin at alam kong wala rin Akong salita na magbibigay ng kapayapaan sa puso namin. Gayunpaman alam ko na sa gabing iyon, kami ay napayapa. Hinayaan naming magsalita ang Diyos sa amin, at ang Kanyang Salita ay aming naging lakas para magpatuloy, at naging kuhaan ng kaginhawaan, dahil alam namin na yakap ng Diyos ang mga puso namin. Mga kapanalig, may isang salita ang Diyos.