Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 28, 2019 – HUWEBES SA IKA-34 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 21:20-28

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung makita n’yong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin n’yong sumapit na ang kanyang pagkawasak. Kaya tumakas pa-bundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, ay huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid. Sapagkat ito ang mga araw ng pahihiganti sa kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa. Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong kaatubusan.”

PAGNINILAY:

May mga palatandaan ang kaganapan ng kaharian ng Diyos dito sa mundo.  Masasabi nating narito na ang kaharian ng Diyos o paghahari ng Diyos kung nararanasan na natin ang mga mahahalagang bagay sa mundo, gaya ng kapayapaan, katarungan at kasaganaan.  Mahalaga ang tatlong aspetong ito dahil ang mga ito ang minimithi ng bawat tao.  Sa mundong laganap ang karahasan, korupsyon, at kahirapang dulot ng kasakiman – masasabi nating hindi pa nga ganap ang paghahari ng Diyos sa piling natin. Dahil ang paghahari ng Diyos nararanasan sa pagmamahalan, pagpapatawaran at pagmamalasakitan sa isa’t isa. Hangga’t may mga taong nagsasamantala sa kahinaan ng kanilang kapwa; hangga’t umiiral ang paghihiganti sa halip na pagpapatawad; hangga’t umiiral ang kasakiman, pagkamakasarili at kawalan ng pakialam sa iba – hindi pa talaga naghahari ang Diyos sa ating piling.    Mga kapanalig, isang malaking hamon sa ating mga Kristiyano ngayon ang makibahagi sa mga gawaing magbibigay katuparan sa paghahari ng Diyos sa ating piling.  Nang sa gayon matatamo natin ang kapayapaan sa lahat ng bansa, katarungan para sa lahat ng nagdurusa at inaapi, at kasaganaan para sa lahat ng nagdarahop sa buhay.  Simulan natin ito sa ating pamilya.  Sikapin nating maging tagapagdala ng kapayapaan, pagmamahalan at katarungan sa loob ng ating tahanan.  – Sr. Lines Salazar, fsp

PANALANGIN:

Panginoon, marapatin Mo pong makatugon ako sa panawagang ito.  Puspusin Mo po ng Iyong kapayapaan at pagmamahal ang aking puso nang maibahagi ko ito sa iba.  Amen.