EBANGHELYO: Lc 21:25-28, 34-36
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan. Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak itong parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya’t lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
PAGNINILAY
Ang paghihintay ay bahagi ng buhay. Patuloy ang buhay. Maraming hatid ang buhay, at marami pa ang mangyayari sa buhay. (Hinihintay ng mga magulang ang paglaki ng kanilang mga anak; ang mga bata ay naghihintay para makapagtapos sa pag-aaral at makahanap ng trabaho; hinihintay natin ang paglubog ng araw para makita naman ang liwanag ng buwan.) Lahat sa atin ngayon ay naghihintay kung kelan matatapos ang pandemya? Kung kelan manunumbalik ang normal nating pamumuhay? Marahil itatanong natin, ano na lang kaya ang buhay kung hindi tayo marunong maghintay? Mga kapatid, ngayong unang Linggo ng Adbiyento, pinasisimulan natin ang panibagong panahon para sa liturhikong kalendaryo ng Simbahan. At sa bawat panibagong simulain, panahon din ito ng panibagong pag-asa, paghahanda at paghihintay. “Pagdating” ang kahulugan ng Adbiyento. Ito ang panahon ng paggunita sa pagdating ng Panginoon, hindi lamang sa araw ng Kanyang pagsilang sa ating piling at pakikibahagi sa ating pagkatao. Ang adbiyento’y paghihintay rin sa isa pang pagdating – ang muling pagbabalik ng Panginoon sa katapusan ng panahon, na siyang pinaghahandaan natin sa ating buhay. Higit pa sa pagbabalik sa nakalipas, ang Adbiyento’y naririto upang turuan tayong maghintay, nang may pananabik, nang may pag-asa. Tunay na may kabuluhan ang maghintay. Habang nasa panahon tayo ng paghihintay, hinihimok tayo ng Panginoon na maghanda at manalangin at sikaping mamuhay na banal nang maging marapat tayong patuluyin Siya sa ating puso sa Kanyang pagdating.