EBANGHELYO: LUCAS 21:29-33
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga: “Tingnan n’yo ang punong-igos at ang ibang mga puno. Pagkakita n’yong nagdadahon na ang mga ito, alam n’yong malapit na ang tag-init. Gayundin naman, pag napasin n’yo ang mga ito, alamin n’yong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita.”
PAGNINILAY:
Sa sinabi ng Panginoong Jesus na “Lilipas ang Langit at lupa ngunit hindi lilipas ang Kanyang salita,” patotoo ito na ang Kanyang salita mananatiling buhay at mabisa sa lahat ng panahon at pagkakataon. Isa itong kasiguruhang ibinibigay ni Jesus sa mga taong naniniwala sa Kanyang mga ipinangaral. Ipinapakita nito sa atin na ang tao, sa kabila ng limitasyon ng buhay sa mundong ito – may patutunguhan. Hindi ito paikut-ikot sa walang kabuluhang proseso. Kung kaya ang Ebanghelyo ngayon, paanyaya sa atin na maging mapagtimpi upang maituon sa mabuti… ang mga mithiing makabuluhan at makatwiran, na nagbibigay ng tumpak na direksiyon.” Hindi lilipas ang aking mga salita. Patotoo ito sa atin na kay Jesus lamang natin tunay na matatagpuan ang tamang daan. Sa Kanya lamang magkakaroon ng kaganapan ang ating buhay. Sa pagsusumikap nating isabuhay ang Kanyang mabubuting halimbawa, tunay nating matatagpuan ang kabuluhan ng lahat ng bagay. Ayon pa kay San Agustin, “Ang nagbibigay sa Diyos nang buong pagmamahal, may pagtitimpi sa sarili.” Mga kapanalig, suriin natin ang ating sarili. Ang salita ng Diyos ba na araw-araw nating pinakikinggan at pinagninilayan, nakakatulong sa atin upang maging mapagtimpi sa paggawa ng kasalanan? Kung tunay tayong nagagabayan at binabago ng buhay na Salita ng Diyos, makikita ang epekto nito sa ating buhay-pananampalataya at pakikipagkapwa tao. Masasalamin din ito sa paraan ng ating pamumuhay, lalo na sa panahon ng pagsubok. Dahil ang taong tunay na nagsasabuhay ng Salita ng Diyos – hindi madaling mawalan ng pag-asa. Sa halip, patuloy na nakatayo at nakakapit sa Diyos sa kabila ng mga unos at bagyong dumarating sa buhay. – Sr. Lines Salazar, fsp
PANALANGIN:
Panginoon, papag-alabin Mo po ang aking pagmamahal Sa’yong Salita at hayaang baguhin nito ang aking pagkatao. Palakasin Mo po sa akin ang espiritu ng pagtitimpi/ sa harap ng kasalanan at tukso. Amen