Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 29, 2020 – UNANG LINGGO NG ADBIYENTO (B)

EBANGHELYO: Mk 13:33-37

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo at magpuyat hindi nga ninyo alam kung kailan ang oras. Ipagpalagay natin na nangingibangbayan ang isang tao. Iniiwan niya ang kanyang bahay at ipinagkakatiwala ang lahat sa kanyang mga utusan. May kanya-kanya silang tungkulin at inutusan niyang magbantay ang bantay pinto. Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang oras ng pagdating ng may-ari, kung hapon o hatinggabi o madaling araw. At baka bigla siyang dumating, at madatnan kayong natutulog. Kaya’t sinasabi ko rin sa lahat ang sinasabi kong ito sa inyo: Magbantay.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang panahon ng Adbiyento, ay pagdiriwang ng muling “pagdating ng Panginoon,” na totoong isang malaking biyaya para sa ating lahat.  Tandaan natin na sa apat na Linggo ng Adbiyento, ang gagawin nating paghihintay, hindi nangangahulugan ng pananatili kung saan man tayo naroon ngayon.  Kundi ang paghihintay nang may pagtitiwala at pag-asa sa puso na matatapos din ang lahat ng hirap at pasakit na pinagdadaanan natin ngayon.  Sa kalagayan ng ating mundo ngayon, hindi maalis sa atin ang mabalisa, mangamba at matakot kung ano ang naghihintay sa atin sa  kinabukasan.   Malalagpasan kaya natin ang hamon na dulot ng covid-19 pandemic?  Buhay pa kaya tayo pagkatapos ng pandemyang ito?  Ngayong panahon ng Adbiyento, pinapanibago natin ang ating pag-asa sa Panginoong ating Tagapagligtas.  Sinasariwa natin ang unang pagdating ng Panginoong Jesus sa ating piling, upang makipamayan sa atin.  Kaya lubos ang ating pag-asa at pagtitiwala sa pangako ng Panginoon, na sasamahan Niya tayo lagi, anuman ang pinagdadaanan natin sa buhay.  Ang adbiyento ay panahon din ng espiritwal na paglalakbay, pagsulong, at panibagong pagsisimula.  Tuturuan tayo ni propeta Isaias na ilagak ang ating pag-asa sa mga pangako ng Diyos tungkol sa kapayapaan at pagkakaisa ng mga bansa.  Tuturuan din tayo ni San Pablo na gumising sa ating pagkakatulog at tingnan ang Adbiyento bilang isang tunay na panahon ng biyaya kung kailan ang pagliligtas ng Diyos sa atin ay mas malapit pa nga ngayon, kaysa nang magsimula tayong sumampalataya. Amen.