Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 29, 2021 – LUNES SA UNANG LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Mt 8:5-11

Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap.” “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.” “Panginoon, hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko, pero kapag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.” Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit.”  

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  Handa ka bang magpakababang-loob para sa kabutihan ng iba? Hinangaan at pinuri ni Hesus ang opisyal ng hukbong Romano sa ating mabuting Balita. Sumasalamin ang kanyang mga kilos at salita sa likas niyang kabutihan bilang tao. Makikita din natin sa kanya ang malalim na pagkaunawa sa kung ano ang ibig sabihin ng kapangyarihan, at saan ito ginagamit. Nagpakita siya ng isang pambihirang pananalig, na hindi inaasahan sa isang hindi Hudyo. Mataas na opisyal man ng isang hukbo, personal siyang pumunta kay Hesus para hilingin ang paggaling ng kanyang katulong.  Alam niyang siya’y pagano at hindi nararapat na makinabang sa kagandahang loob ni Hesus. Pero dahil sa pagmamahal niya sa kanyang katulong, kinalimutan niya ang mataas niyang katayuan, lumapit at taimtim na humingi ng tulong ni Hesus. Alam niya ang kapangyarihan ng salita. (Nag-uutos sya sa kanyang mga tauhan at nangyayari ito. Dahil dito, buo ang kanyang pananalig sa kapangyarihan ng salita ni Hesus. Sabihin lamang ni Hesus, ito ay magaganap. Ang kanyang malakas na pananampalataya ay nakaugat sa malalim na pagkakaunawa sa kung ano at para saan ang kapangyarihan.) May positibong pagtingin ang opisyal na ito sa kapangyarihan, dahil alam niya itong gamitin para sa kabutihan ng iba. (Hindi lahat ng tao ay nakakaunawa sa kung ano at para saan ang kapangyarihan.  Sa halip na hawakan ito nang may pananagutan, nalilimutan pa nga nila ang pag-aaruga sa kapwa, kababaang loob at pananampalataya sa Diyos.) Ipagdasal natin ang mga taong nasa positions of authority – government leaders, employers, teachers, parents, guardians and heads of communities and institutions. Nawa’y gaya ng opisyal sa ating Mabuting Balita maging huwaran din sila at gamitin ang kapangyarihan bilang instrumento ng pagsisilbi at pagmamahal sa kapwa.