Daughters of Saint Paul

Nobyembre 3, 2016 HUWEBES Ika-31 Linggo ng Karaniwang Panahon / San Martin de Porres, relihiyoso

Lk 15:1-10

Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niya ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila:

“Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyampu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito. At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkaroon din ng higit na kagalakan sa Langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyampu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi.

Kung may sampung barya ng pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, mahalaga sa Panginoon ang bawat tao.  Kaya hindi Niya hahayaang mapariwara isa man sa mga ito.  Ito ang nais ipahiwatig ng Panginoong Jesus sa talinhagang ating narinig.   Masusing hinahanap ang nawawala upang maibalik sa katinuan ng pag-iisip at maakay sa tamang landas.  Iyan din ang panawagan ng Panginoon sa bawat isa sa atin.  Kung may kaibigan, kamag-anak, kapamilya o kakilala tayong naliligaw ng landas – pagmalasakitan natin silang hanapin muli, at sikaping maibalik sa tamang landas.  Paalalahanan natin sila ng kanilang tunay na dignidad bilang tao – na sila’y mahal ng Diyos at pinag-alayan ng buhay ng Kanyang kaisa-isang Anak.  At walang kasalanang hindi kayang patawarin ng Diyos, kung ito’y lubos nilang pagsisisihan at ihihingi ng tawad.   Hindi natin ito magagawa sa ganang atin lang. Kailangan natin ang tulong at lakas na nagmumula sa Panginoon Jesus, na ating Mabuting Pastol.  Kailangang din nating taglayin ang tunay na habag at malasakit ng Kanyang puso, upang magawa nating pagsumakitan ang pagbabalik-loob ng mga taong naliligaw ng landas.  Sa tulong-panalangin ni San Martin de Porres, hilingin natin ang biyayang maging daan ng pagbabalik-loob ng ating kapwa.