Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 3, 2019 – IKA-31 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: LUCAS 19:1-10

Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Jesus pagdaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.” Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” At sinasbi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”

PAGNINILAY:

Sa ating Ebanghelyo ngayon, inilarawan si Zakeo bilang isang pandak o kulang sa taas. Bukod pa dito, isa rin siyang mangongolekta ng buwis, na noon itinuturing na makasalanang hanapbuhay. Gayunpaman, mas nangibabaw kay Zakeo ang masidhing pagnanais na makita si Hesus. Biruin n’yo, umakyat pa siya ng puno para lang mapansin ni Hesus.  Siguro minsan nabatid mo na tulad ka rin ni Zakeo – kulang sa taas, sa talino, ganda, o kakayahan at hindi ka kasing galing ng iba. Wala ka nung mga katangiang pinopost nila sa social media. Naiisip mo rin na nakakahiyang dumulog sa Diyos o magsimba dahil sa iyong mga naging kasalanan. Kapanalig, sa panahon ngayon, hindi mo na kailangang umakyat pa ng puno upang mapansin ni Hesus. Hindi Niya nakikita ang anumang kakulangan o kasalanan mo. Ang nakikita Niya ay ang puso mong nagnanais ng pagbabago. Nariyan Siya, kumakatok sa puso mo para sabihin sa iyo na labis ka Niyang minamahal. Higit kang mahalaga sa Kanya kesa sayong kasalanan. Handa ka na bang pagbuksan Siya? – Anne Loraine Santos

PANALANGIN:

Panginoon, ipaubaya N’yo po na mabuksan ang aking puso Sa’yong habag at tanggapin ang inyong kapatawaran. Nang maisabuhay ko ang dakilang plano Mo para sa akin. Amen.