BAGONG UMAGA
Magandang-magandang araw ng Biyernes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Ikatlo ngayon ng Nobyembre, ginugunita natin si San Martin de Porres na isang relihiyoso. Isa siyang laykong Dominicano; patron ng Panlipunang katarungan, at mga pinagsamang lahi. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin natin ang kagalingang pisikal at espiritwal na matagal na nating inaasam-asam. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Maririnig natin ang tagpo ng pagpagaling ni Hesus sa taong minamanas, sa Araw ng Pahinga, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata labing-apat, talata isa hanggang anim.
EBANGHELYO: Lk 14:1-6
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. Nasa harap niya roon ang isang taong minamanas kaya nagtanong si Jesus sa mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Puwede bang magpagaling sa Araw ng Pahinga o hindi?” Hindi sila umimik kaya hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila: “Kung mahulog sa balon ang anak o ang baka ng isa sa inyo, di ba’t agad niya itong iniaahon kahit na Araw ng Pahinga?” At hindi nila siya nasagot.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Gemmaria dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Kailan nagiging dapat ang hindi dapat? Kailan wasto ang hindi wasto? Sabi ng mga Pariseo, hindi tama ang ginawa ng ating Hesus Maestro na pagalingin ang taong namamanas sa araw ng Pahinga. Para sa ating Panginoon, walang mali doon. Isang okasyon pero magkaiba ng perspektibo, ang ating Hesus Maestro at ang mga kilalang Pariseo. Ang mga Pariseo, nakatuon sila sa perspektibo ng batas at gawa na nagpapahirap. Samantala, ang ating Diyos na Tagapagturo, humuhugot Siya sa pagmamahal at tunay na diwa ng pagpapahinga. Di ba Siya mismo, ang May-akda ng Araw ng Pahinga pagkatapos Niyang likhain ang tao? Kaisa Niya ang Diyos Ama at Banal na Espiritu. Ano’t hindi ito na-gets ng mga Pariseo? Ano ang mataas na pader na nagkulong sa kanila para hindi makalaya sa tunay na konsepto ng Araw ng Pahinga? Kamangmangan ba o pagmamataas? Ang ating Panginoon lang ang tamang makapaghuhusga ng kanilang isip at puso. Sa ganang atin, tatlong mahahalagang aspeto ang dapat nating isaalang-alang. Una, ang Araw ng Pahinga ay ang Araw ng Sanctification of Mind. Ito ang Pagpapabanal ng Pag-iisip. It is an exercise of Divine thoughts. Punuin natin ng banal na pagpupuri sa Diyos at ng Kanyang Salita ang ating isip, tulad sa pagsisimba. Ikalawa, ang Araw ng Pagpapahinga ay Araw ng Pagpapabanal ng puso. Araw ito ng Contrition of Heart. Ito ang pagpapakumbaba, pagtanaw sa sariling pagkakamali. Ikatlo, ang Araw ng Pagpapahinga ay ang Araw ng Goodness of Will. Ito ang araw ng kabutihang loob, ng habag at katarungan. Kaya’t ang maka-Diyos na pagsasabuhay ng isip, puso at kalooban, sa tuwing Araw ng Linggo, nararapat lang nating gawin, tulad ng ating Panginoon. “No ifs. No buts.”