Ebanghelyo: Marcos 12:28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Hesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Hesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Hesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Hesus: “Ito ang una: ‘Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong nating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas.’ At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa sa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Hesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya.
Pagninilay:
“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.Ito ang tugon ni Hesus sa eskribang nagtanong sa kanya kung ano ba ang pinakamahalagang utos ng Diyos. Sa sagot na ito ni Hesus, namangha ang eskriba at walang pagdududang siya’y sumang-ayon. Pero sinabi ni Hesus sa kanya, “dahil sa pagsang-ayon niya kay Hesus, malapit na siya na mapabilang sa pinaghaharian ng Diyos.” Malapit ngunit hindi pa ganap. Bakit?
Sapagkat, isang bagay ang pagsang-ayon sa utos ng Diyos, ngunit nagkakalaman lamang ang ating pagsang-ayon kung gagawin din natin ito. Gaya ng pag-ibig natin sa hindi natin nakikitang Diyos. Nagkakalaman o nagiging konkreto lamang ang ating pag-ibig sa Diyos, kung iibigin, rerespetuhin, hindi huhusgahan, at patatawarin natin ang ating kapwa. Ang konkretong pag-ibig natin sa kapwa ang siyang kukumpleto sa sinasabi nating pagmamahal natin sa Diyos.
Manalangin tayo. Panginoon, mahal na mahal kita. Tulungan mo akong maibigay ko ang pagmamahal ko sa’yo sa kapwa kong hindi ko mapatawad, hirap akong ibigin, at madalas kong husgahan. Amen.