Mt 4:18-22
Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”
Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak na Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.
PAGNINILAY
Narinig natin sa pagbasa ang pagtawag ni Jesus sa mga una Niyang disipulo. Mapapansing tinawag Niya ang mga simple at ordinaryong tao. Ang magkapatid na sina Pedro at Andres, na pawang mangingisda. Katulad ng iba pang tinawag – wala silang pinanghahawakang propesyon, ni walang yaman at mahahalagang katungkulan sa lipunan. Sa pagpili ng ordinaryong tao, kaakibat nito ang extra-ordinaryong pagtatalaga sa sarilli – ang iwan ang lahat, ang pamilya at ikinabubuhay, alang-alang sa kaharian ng Diyos. Pinili at hinirang Niya ang mga ito, hindi dahil sa kung sino at ano sila, kundi dahil sa kakayahan nilang tumalima sa ilalim ng pangangasiwa ng pagmamahal at kapangyarihan ng Diyos. Marami ang tumugon, malayang nagdesisyon, sumunod at naglingkod. Mga kapatid, sa dami ng magagandang karanasan natin sa Diyos; sa dami ng liwanag na ating nasaksihan sa Kanyang pamamaraan, sa dami ng biyaya at pagpapalang tinatanggap natin araw-araw – ano ang itutugon natin sa Kanyang paanyayang sumunod sa Kanya. Katulad ng mga unang disipulo tayo’y mga simple at ordinaryong tao din na inanyayahan Niyang sumunod ano man ang katatayuan natin sa buhay. Sa ating pagsunod, maaari tayong magkasala, magkamali, madapa. Pero hindi dahilan ito upang tumigil na tayo sa pagsunod sa Kanyang mga utos. Mahalaga na hindi tayo sumusuko at muling bumabangon sa tuwing tayo’y nadadapa. Ito ang tanda ng pagiging tunay na Kristiyano – isang taong hindi kailanman nawawalan ng pag-asa sa gitna ng mga pagsubok at tiisin sa buhay – dahil si Kristo ang kanyang kalakasan at huwaran sa pagpasan ng krus ng buhay. Manalangin tayo. Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya nang manatili akong matatag at nagtitiwala Sa’yong walang hanggang pagkalinga at awa, sa kabila ng mga suliranin na pinagdadaanan ko sa buhay. Amen.