EBANGHELYO: MATEO 4:18-22
Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilie, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyo ngayon, narinig natin kung paanong tinawag ng Panginoong Jesus si Andres, at kung paano naman inanyayahan ni Andres ang kanyang kapatid na si Pedro para sumunod sa Panginoon. Mula sa pagiging mangingisda, tinawag siyang maging “Mangingisda ng Tao”. Mga kapanalig, tayo rin patuloy na inaanyayahan ng Panginoon na maging mangingisda ng ating kapwa sa kasalukuyan. Papaano? Sa pamamagitan ng araw-araw nating pagsaksi sa buhay na pananatili ng Panginoon sa kasalukuyang panahon. Ang araw-araw nating pagsisikap na iayon ang buhay ayon sa mga itinuturo ng Panginoon – hindi nagpapadala sa sistema ng korupsyon at sumasalungat sa agos ng kasamaang umiiral sa lipunan; ang magsilbing huwaran ng kabutihan, kababaang-loob at kasipagan; ang paglilingkod ng tapat at tunay na malasakit sa kapwa – ang ilan lamang paraan ng pagsaksi sa buhay na pananatili ng Panginoon. Hindi natin ito magagawa kung hiwalay tayo sa Panginoon na Siyang bukal ng lahat ng kabutihan at wagas na pagmamahal. Kaya mahalagang mai-ugnay natin ang sarili sa Kanya – nang mapuspos tayo ng Kanyang kabutihan, kapayapaan at pagmamahal. At ang pinakamabisang paraan para mai-ugnay ang sarili sa Panginoon ay ang palagian nating pagbabasa at pag-aaral ng Kanyang Salita. Minsan, di na natin kinakailangan ng maraming salita para makaakay tayo ng tao sa Diyos. Ang paraan ng ating pamumuhay at pakikitungo sa kapwa, ang higit na magpapatotoo kung gaano kabuti ang Diyos na pinaniniwalaan natin. Kung puspos tayo ng kabutihan at kapayapaang nagmumula sa Diyos, makikita ito sa ating buong pagkatao. Nabibighani ang mga taong nakakasalamuha natin dahil ramdam nila ang buhay na presensya ng Diyos sa pamamagitan natin. Amen. – Sr. Lines Salazar, fsp