Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 30, 2020 – LUNES SA UNANG LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Mt 4:18-22

Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilia, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Vangie Canag ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Hindi ka ba nagtataka kung bakit ang apat na mangingisda na tinawag ni Jesus ay agad-agad iniwan ang lahat at sumunod sa Kanya?  Totoong sumunod sila nang walang pag-aalinlangan, at nagkaroon ng bagong direksyon ang buhay nila… Meron ka bang kakilala na nagbago ang direksyon ng buhay? Isang halimbawa nito si Anna Nobili… Galing siya sa broken family. Hindi nakaranas ng paggabay at pagmamahal ng magulang, kaya naging nightclub dancer siya nung lumaki.  Buong magdamag siya sa gimikan; papalit-palit ng boyfriend; at talagang namuhay sa kahalayan at napariwara ang buhay. Nalublob sa kasalanan ang kanyang buhay, at puro sakit ng kalooban ang kanyang napala. Tuloy-tuloy siya sa pamumuhay ng ganito.  Sinubukan ng kanyang ina na akayin siya pabalik sa Diyos, pero, nabigo siya.  May nag-imbita sa kanya na umatend ng retreat, at pumunta sila sa Medjugorje, pero wala pa ring naganap na pagbabago sa kanyang buhay. Hanggang isang araw, na-inspire siyang magsimba… kakaibang pakiramdam at saya ang naranasan niya, pero hindi niya kayang talikdan ang nakagawiang pamumuhay. Isang araw, habang nakasakay ng tren, malakas niyang naramdaman ang presensya ng Diyos. At bigla na lang siyang umiyak at napahagulhol.  Sa madaling salita, iniwan niya ang makasalanang buhay at sumunod kay Jesus.  Naging isa siyang madre.// Kapatid, kahit sino at ano pa tayo, kahit ano pa ang ating nakaraan at kasalanan, tinatawag tayo ng Panginoong Jesus na sumunod sa kanya. Tinatawag niya tayong mamuhay sa pagmamahal.  Ngayon, pakinggan mo at damhin ang iyong puso… Tinatawag ka ba ng Diyos na baguhin ang direksyon ng iyong buhay?  Magpatawad, mahalin ang kaaway, lumago sa pagmamahal sa pamamagitan ng araw-araw na pagbabasa ng Bibliya, maglingkod sa Kanya at sa kapwa? 

PANALANGIN

O Diyos, maging sensitibo nawa ako sayong pagtawag. Pagkalooban mo po ako ng lakas ng loob tumugon kaagad, katulad ng pagtugon ng unang apat na disipolo sa Mabuting Balita ngayon, Amen.