Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 30, 2021 – MARTES SA UNANG LINGGO NG ADBIYENTO | Kapistahan ni San Andres, apostol

EBANGHELYO: Mt 4:18-22

Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilia, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Narci Peñaredonda ng Sisters of Jesus Good Shepherd “Pastorelle” ang pagninilay sa ebanghelyo.  May ugali tayo na kapag may maganda tayong karanasan sa isang tao, gusto rin nating ipakilala siya sa ating pamilya o kaibigan. Yung tipong isasama natin siya sa mga importanteng tao sa buhay natin, sa ating circle of friends. Ganito ang naging kuwento ng pagkakaibigan nina Hesus, Simon at Andres. Si Andres ay dating tagasunod ni Juan Bautista. Ipinakilala siya ni Juan Baustista kay Hesus. Sa kalaunan, naging tagasunod na siya ni Hesus. Magandang bigyang pansin, na ang magkapatid na Simon at Andres ang mga unang apostol na pinili ni Hesus, bago ang magkapatid na Santiago at Juan. Ano kaya ang naging karanasan ni Andres kay Hesus? Siguradong maganda, at una rito ang pagbuo ng ugnayan. Siguro naging mayaman ang karanasan ni Andres sa katapatan, kabutihan at pagpapakumbaba ni Hesus. Kaya’t ito ang dahilan, kung bakit lagi lamang siya sa likod, at handang magbigay ng moral support. Tahimik siya, hindi mayabang kundi patago ang paggawa niya ng kabutihan, at higit sa lahat maalalahanin. Hindi siya naging kasing sikat ng tatlo pang apostol. Marahil kuntento na si Andres na nasa likod lamang, basta’t kaibigan niya si Hesus at natututo siya sa Kanya. Isa sa kanyang magandang karanasan ay ang pagpapakain ni Hesus ng limang libong lalaki. Naging makahulugan ang papel ni Andres, nang sabihin niya kay Hesus na may isang batang lalaki doon na may dalang dalawang pirasong isda at limang tinapay. Siya ang naging daan upang maisagawa ni Hesus ang himala ng pagpapakain at pagbubuo ng mga taong susunod  sa Kanya.  Simple, pero mahalaga ang kanyang role. Hindi siya naghahangad ng pagkilala o pagpapahalaga. Basta nandiyan lang siya. 

PANALANGIN

Ama, sa misteryo ng Iyong pagtawag at aming pagtugon, turuan mo kaming maging katulad ni apostol San Andres: tahimik, mapagbigay, tapat at hindi naghahangad ng pagkilala. Pagnilayan nawa namin ang karanasang kapiling ka at maisabuhay namin ang mga turo at aral mo sa Simbahan. Amen