BAGONG UMAGA
Mapagpalayang araw ng Huwebes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Pang-huling araw ngayon ng Nobyembre – kapistahan ni San Andres, Apostol. Ginugunita din natin ngayon ang bayaning si Andres Bonifacio na naging kasangkapan upang matamo natin ang kalayaan. Sa pagtatapos ng buwang ito, itaas natin sa Diyos ang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga kaganapan, sa mga biyaya at pagpapalang tinanggap natin sa buong buwan. Pasalamatan din natin Siya kay apostol San Andres at kay Andres Bonifacio. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata apat, talata labing-walo hanggang dalawampu’t dalawa.
EBANGHELYO: Mt 4:18-22
Sa paglalakad ni Hesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.
PAGNINILAY
Isinulat ni Cl. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang pangalang Andrew ay mula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “matapang” o “malakas.” Siya ang unang apostol na tinawag ng ating Panginoon Hesus, kasama ang kanyang mas nakababatang kapatid na si San Pedro. Sa ebanghelyo ayon kay San Juan mababasa natin na siya’y disipulo ni San Juan Bautista. Sa parehong ebanghelyo mababasa na siya rin ang nagturo kay Hesus sa batang may bitbit ng limang tinapay at isda, bago ang tagpong pagpapakain ng limang-libong katao. Kaya nga sa kanyang mga imahen sa ngayon, makikita minsan na may kasama siyang bata. Ayon naman sa tradisyon, siya’y tumungo sa parte ng lupain na ngayo’y mas kilala nating Greece at Turkey upang ipangaral ang Mabuting Balita. Siya’y namatay na Martir sa Patras, tulad ng Panginoon Hesus, siya ay pinako sa Krus. “Crus Decussata” X-shaped cross. Hiling niya ito dahil naniniwala siyang hindi siya karapat-dapat mamatay sa krus na tulad kay Hesus. Mga kapatid, isa sa mga natatanging karakter ni San Andres, ay ang dalhin ang bawat tao kay Hesus. Si Pedro, ang batang may limang tinapay at isda, ang mga hentil, at iba pa. Ilan na ba ang mga taong nadala mo kay Hesus? Kung wala pa, sana hindi na tayo mapunta sa mas masaklap pa—ang maging dahilan pa tayo ng paglayo ng ating kapwa Kay Hesus Dahil sa ating taliwas na salita at kilos. Matutunan nawa natin ang tapang at lakas ni San Andres upang mas marami pa tayong maakay na tao patungo kay Hesus. Amen.