Lk 16:1-8
Sinasabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’
At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawain ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’
Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may –utang sa kanya ng panginoon. Tinanong niya ang una: ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo, maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: ‘Walundaan.’
Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.”
PAGNINILAY
Ang paghangang ipinakita ng Panginoon sa tusong katiwala hindi pagsang-ayon sa maling gawain, kundi isang pagkilala sa layunin at pagsisikap na maibangon ang sarili mula sa kawalan. Alam ng katiwalang ito ang kanyang kahihinatnan kaya’t nag-isip siya agad ng paraan kung paano niya bubuhayin ang kanyang sarilli. Ganitong pananaw ang nararapat sa isang tagasunod ni Jesus. Hindi kailanman nawawalan ng pag-asa sa gitna ng mga kinakaharap na pagsubok dahil lubos ang kanyang pananalig na hindi siya pababayaan ng Panginoon. Mga kapatid, kung pauunlarin natin ang ating pakikipagkapwa-tao sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan at pagdamay sa mga nangangailangan – tiyak na may kapwa ding dadamay sa atin sa oras ng kapighatian. Inga ng kasabihan, “we reap what sow.” Samakatuwid, lahat ng kabutihang itinanim natin, kabutihan din ang ibabalik nito sa atin. Samantalang, kasamaan din ang isusukli ng mga masasama nating gawain. Kaya hinahamon tayo ng Panginoon ngayon na palaguin ang ating pakikipagkaibigan sa Kanya at sa ating kapwa. Panginoon, kasihan mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang lumago ako sa pakikipagkapwa tao at sa aking relasyon Sa’yo. Pagkalooban Mo po ako ng makalangit na karunungan na gamitin sa tama at mabuti ang lahat ng kakayahang pinahiram Mo sa akin. Amen.