Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 4, 2020 – MIYERKULES SA IKA-31 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 14:25-33

Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya sa kanila at sinabi: “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin. “At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Hindi ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ang pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’ At paano kung may haring nakikipagharap sa ibang hari? Hindi ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat sa kanya.”

PAGNINILAY

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Bro. Enzo Muega ng Diocese ng San Pablo.  Gaano kalaki na ba ang naibibigay mo para sumunod kay Hesus? Sa Ebanghelyong ating narinig, itinuro ni Hesus sa maraming tao na ang katumbas ng pagsunod sa kanya ay “kapootan” ang kanyang mahal sa buhay at siya lamang ang mahalin. Parang ang hirap-hirap namang sumunod kay Hesus, kailangang kapootan ang ating mga mahal sa buhay. Mga kapatid, kakaiba ang konteksto noong sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad na “kapootan” ang mahal sa buhay, at Siya lamang ang  mahalin nang lubos.  Nais niyang ipaunawa sa kanila at sa atin din, na siya dapat ang “number one” sa puso ng mga disipulo, at “number two” lamang ang mga mahal sa buhay. Ang poot or “hate” noong panahong iyon, is “to love secondly.” Mga kapatid, ang pagsunod kay Hesus ay hindi nagtatapos doon, kundi ang kahandaang buhatin ang ating sariling krus. Hindi madali, pero kaya natin dahil ang taong nagbubuhat ng sariling krus ay hindi nag-iisa kundi may kasama – si Hesus na nagbuhat din ng krus. Amen.