Daughters of Saint Paul

Nobyembre 4, 2024 – Lunes | Paggunita kay San Carlos Borromeo, obispo

Ebanghelyo:  Lucas 14,12-14

Sinabi ni Hesus sa Puno ng mga Pariseo na nag-aanyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga balewala, mga pilay, at mga bulag ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka; dahil hindi ka nila masusuklian. Ngunit sa pagkabuhay ng mga mabubuti ka nila susuklian.”

Pagninilay:

Mula pagkabata ay narinig ko na ang golden rule: “Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin nila sa iyo”. Nakita ko na maganda itong motto upang hindi ako makaisip gumawa ng masama sa aking kapwa. Pero nang mag-aral ako ng Salita ng Diyos, nalaman ko na ginawa itong affirmative ni Hesus para mas maging pro-active. Sabi sa Mateo 7:12, “Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyo na gawin nila sa inyo”. Mas mabuti di ba? Pwede kasing hindi ka nga gumagawa ng masama pero wala ka ring ginagawang mabuti. Hindi sapat para kay Hesus ang hindi gumawa ng masama. Nais niyang gumawa tayo ng kabutihan. Kaya naisip ko noon na magpakabuti para maging mabuti rin sa akin ang aking kapwa.

Pero habang lumalalim ang aking pagkilala sa Diyos, natanto ko na meron palang higit pa sa affirmative statement ng golden rule. Ito ang sinasabi ni Hesus sa Mabuting Balita ngayon: kung mag-aanyaya tayo ay imbitahin natin ‘yong mga walang kakayahang ibalik sa atin ang ating mabuting gawa, upang ang ating Amang nasa langit ang magsusukli sa ating kabutihan. Figurative language ang gamit dito ni Hesus: a hyperbole or exaggerated expression to highlight His important message. At ano ang mensaheng ito? Gumawa tayo ng mabuti nang walang hinihintay na kapalit at walang pinipiling tao. Hesus wants us to be more inclusive in our loving and giving. Nais niyang lagi nating piliin ang magmahal at gumawa ng mabuti, nang walang hinihintay na kapalit. Dahil Sya na ang bahalang magsukli sa ating kabutihan sa ating kapwa. Lagi nating pakatandaan: “God can never be outdone in generosity”.

Kapanalig, huwag sana tayong mapagod gumawa ng mabuti sa ating kapwa kahit na kadalasan ay hindi ito nasusuklian. Alalahanin natin ang sinabi ni Hesus sa ebanghelyo ni San Mateo 25:40, “Ano man ang ginawa ninyo sa isa sa aking mga pinakamaliit na kapatid ay ginawa ninyo sa akin”. Lagi nating tandaan: tuwing gagawa tayo ng kabutihan sa mga taong walang kakayahang suklian tayo ng kapwa kabutihan, ginagawa natin ito kay Hesus, kaya Siya na ang bahala sa atin.